Magandang regalo ang handog ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno nina Governor Aurelio “Öyie”at Vice Governor Doc Anthony Umali para sa mga tatay nitong nakaraang Father’s Day.

Limang araw na isinagawa ng San Antonio District Hospital sa pangunguna ni Dr. Michael Jose ang libreng bunot ng ngipin na may temang “Caring for you and your smile” na ginanap nitong June 20 hanggang 24, 2022.

Mula sa mahigit limampung pasyente na pumunta sa ospital, 26 lamang dito ang natuloy na mabunutan ng ngipin.

Ayon kay Dr. Jose, hindi nakapasa ang ilang pasyente sa kanilang screening dahil ang ilan sa mga ngipin nito ay pwede pang lagyan ng pasta.

May ilan din na mataas sa 140/90 mmhg ang bp at masakit na ngipin naman ang dahilan ng iba kaya minabuti muna na mabigyan sila ng gamot upang maialis ang pamamaga.

Dagdag pa nito, hindi lamang ang mga tatay ang nabenepisyuhan ng nasabing programa kundi pati na rin ang kanilang mga pamilya.

Bukod sa libreng bunot ng ngipin ay binigyan din ang mga ito ng gamot na kanilang iinumin sa loob ng pitong araw.

Payo ni Dr. Jose, kailangang alagaang mabuti ang ating mga ngipin. Sa mga edad dalawa pataas, dapat nang sanayin sa pagpunta sa dentista upang maiwasan ang takot. Sa mga kabataan, ugaliing magpacheck-up tuwing ika-anim na buwan upang malaman ang mga gagawin sa mga ngipin.

Para sa mga nais na magpakonsulta, bukas naman ang clinic ni Dr. Jose sa naturang ospital na sa murang halaga na P150.00 to P200.00 pesos ay masosolusyunan na ang problema sa mga ngipin.

At kung wala naming kakayahan ang isang pasyente ay tinutulungan naman ito ng kanilang social worker upang malibre ang serbisyo.

Samantala, Pinaplano na rin nina Dr. Nap Palor, OIC ng SADH at Admin Officer Noralyn Santiago ang magkaroong muli ng check-up at libreng bunot ng ngipin sa buong district 4. – ulat ni Shane Tolentino