MGA BENEPISYONG MATATANGGAP NG MGA LOLO, LOLA SA NUEVA ECIJA, TINALAKAY NG NCSC AT PSWDO
Bumisita ang National Commission of Senior Citizens sa Nueva Ecija upang ipaalam ang mga benepisyong matatanggap ng halos 73,000 na mga lolo at lola na kanilang gagampanan umano sa susunod na taon.
Sa ginanap na pagpupulong ng Federation of Senior Citizens Associations of the Philippines o FSCAP nitong Enero 27, 2023, sinabi ni Commissioner Reymar R. Mansilungan, magiging trabaho na ng NCSC ang pamamahagi ng P100,000 sa mga centenarian o mga umabot ng 100 taong gulang at social pension para sa mga mahihirap na nakakatanda sa lalawigan.
Ayon sa pangulo ng senior citizens sa Nueva Ecija na si Jaime S. Mungato, malaking tulong para sa kanila ang nasabing commissioner dahil may malalapitan na sila sa oras ng pangangailangan lalo na’t marami nang nararamdaman ang ilang mga miyembro nito.
Naniniwala naman si Ronald Cosico, Focal Person ng Senior Citizen na sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Provincial Government of Nueva Ecija sa pamumuno nina Governor Aurelio “Oyie” Umali at Vice Governor Doc Anthony Umali at ng National Commission of Senior Citizens ay mas magiging makabuluhan ang mga programang ibaba sa samahan sa taong 2023.
Ilan sa mga programa ng kapitolyo na natatanggap ng FSCAP ay ang mga serbisyong medikal, financial at burial assistance, pamimigay ng mga gamot at mga bigas na lubos nilang ipinagpapasalamat sa gobernador at bise gobernador.
Sa darating na pagdiriwang ng Elderly Filipino Week sa buwan ng Oktubre ay magsasagawa ng isang malaking pagtitipon kung saan ipapakita ng mga miyembro sa ilang bayan at lungsod sa lalawigan ang kanilang mga talento na pangungunahan ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office.