LIVELIHOOD ASSISTANCE NG DSWD, NAGBIGAY NG BAGONG PAGA-ASA SA MGA 4Ps

Nagbigay ng bagong pag-asa sa mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ng Cabanatuan City ang livelihood assistance grant mula sa Department of Social and Welfare Development o DSWD katuwang ang Provincial Government of Nueva Ecija.

Ito ay kahilingan ni Governor Aurelio “Oyie” Umali sa pamahalaang nasyunal para makatulong sa mga Novo Ecijano na magkaroon ng pagkakakitaan sa kabila ng dinaranas na pandaigdigang krisis.

Ayon kay Irene Jane Tomas, Livelihood Project Development Officer II ng DSWD-Cabanatuan Branch, 60 na kwalipikadong benepisyaryo ang nakatanggap ng P15,000 upang makatulong na makapagsimula sa kanilang negosyo.

Isa si Jimboy Mendoza na residente ng Brgy. General Luna sa mga nakakuha ng ayuda na kanyang gagamitin upang makapagpatayo ng sari-sari store para pandagdag sa mga gastusin ng pamilya.

Malaking halaga naman ito para kay Melanie De Guzman na taga- Brgy.Mabini Homesite dahil may pambili na siya ng kolong-kolong na kanyang kakailanganin sa pagtitinda.

Masaya ring natanggap ni Milagros Hablanes ng Brgy. San Juan Accfa ang biyaya dahil may magagamit na itong puhunan sa maliit na negosyo at hindi na kailangan pang mangutang sa porsyentuhan.

Ang Livelihood Assistance Grant ay mula sa Sustainable Livelihood Program ng DSWD na may layuning makapagbigay ng tulong pinansyal sa mga pamilyang nawalan ng trabaho o kabuhayan dahil sa pandemya.

Ito ay recovery o rehabilitation program ng pamahalaang nasyunal na nakapaloob sa Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2