DSWD: 800,000 BENEPISYARYO NG 4Ps, GRADUATE NA!
Nasa 800,000 miyembro ang tatanggalin sa listahan ng Pantawid Pamilya Pilipino Program o 4Ps ngayong taon ayon sa Department of Social Welfare and Development o DSWD. Ito ay mula sa 1.3 milyong benepisyaryo na ide-delist ng ahensiya noong 2019 ngunit hindi natuloy dahil sa pandemya ng COVID-19.
Sinabi ni DSWD officer-in-charge Eduardo Punay, ang mga ito ay isinailalim muli sa pagsusuri dahil ang listahan umano ay outdated na at hindi isinaalang-alang ang epekto ng naturang sakit sa loob ng dalawang taon.
Matapos ang validation, natukoy na may 500,000 pamilya ang mahihirap at pasok pa sa kwalipikasyon ng 4Ps. Ang mga maaalis sa listahan ay mga guminhawa na ang kabuhayan habang ang iba naman ay nakapagtapos na ang mga anak sa highschool.
Paliwanag ni Punay na ang mga ga-graduate sa nasabing programa ay maaaring maisama sa Sustainable Livelihood Program na magbibigay ng P15,000 assistance para makapagsimula ng negosyo sa sandaling matigil na ang kanilang buwanang ayuda mula sa gobyerno.
Itinatag ang 4Ps sa ilalim ng Republic Act 11310 na nilagdaan ni dating pangulong Rodrigo Duterte noong 2019 na layuning mapabuti ang kanilang buhay gayundin ang edukasyon ng kanilang mga anak hanggang 18 taong gulang. Inaasahan na nasa 4.4 milyon pamilya ang makikinabang sa programang ito DSWD ngayong taon.
Samantala, ayon kay Christer Carrandang Partnership Officer ng DSWD- Nueva Ecija mula sa 38,568 na miyembro ng 4Ps na na-validate ay 15, 669 ang tuluyan nang mamamaalam habang nasa 22,344 ang mananatili sa nasabing programa base sa inilabas na datos noong December 31, 2022.
Sa mga mag-e-exit na 4Ps ay magkakaroon ng graduation ceremony na tinatawag na “Pugay Tagumpay” kung saan saksi ang kanilang mga LGU partners at patuloy na imo-monitor ng tanggapan ang kanilang kalagayan sa loob ng isang taon.
Sinabi rin ni Carrandang na ang mga maaalis sa listahan ay papalitan ng mga bagong benepisyaryo ng 4Ps na kanilang sisimulan sa buwan ng Pebrero.