LOLO, LOLA NA WALANG NATANGGAP NA PENSION, UMABOT NG HALOS 37%

Hindi nakatanggap ng social pension ang 36.9 percent na mga lolo at lola sa bansa noong 2020 ayon sa ulat ng Philippine Institute for Development Studies o PIDS.

Kung ikukumpara noong taong 2011, mas bumaba pa umano ang bilang nito mula sa 78.9 percent na mga Pinoy na nasa edad 60 pataas na walang pension.

Ang pagbabawas ng porsyento ay dahil sa pagpapalawak ng social pension program kung saan ang mga kwalipikadong senior citizen ay tumatanggap ng P500 kada buwan mula sa Department of Social Welfare and Development o DSWD.

Hinahangad ng Kongreso ang pag-upgrade ng social pension program para sa mga lolo at lola kung saan may nakalaang P5 bilyong pondo sa 2023 national budget.

Gusto rin tiyakin ng ilang mambabatas na makikinabang umano ang apat na milyong senior citizen sa bansa na may P1,000 pension kada buwan.

Ang universal pension bill ay nasa committee level na ng Kongreso.

Samantala, ayon kay Christer Carrandang, Partnership Officer ng DSWD- Nueva Ecija, ang lahat ng 40,000 na senior citizens na nakalista sa lalawigan ay nabigyan ng pension noong 2020 at regular na nakakatanggap ng P1,500 grants quarterly sa ahensiya.

Nagbigay naman ng mensahe si Carrandang na mag-ingat sa mga Non-Governmental Organization na sila ay accredited ng National Commission of Senior Citizens o NCSC na pumupunta sa bawat munisipyo. Aniya, ang tangi lamang na kinikilala ng tanggapan ay ang Federation of Senior Citizens Association of the Philippines.