2 NOVO ECIJANA, PASOK SA TOP 10 SA NURSING LICENSURE EXAMINATION

Nakuha ng mga Novo Ecijanang sina Jezana Bagares ang Top 6 at Jamaica Busante ang Top 7 sa Nursing Licensure Examination para sa taong 2022.

Kapwa bente dos anyos at fresh graduate sina Jezana na nagtapos sa University of the East Ramon Magsaysay Memorial Medical Center, Quezon City, nakatira sa Estrella, Rizal at Jamaica na graduate ng Centro Escobar University, Makati Campus, na taga Brgy. Rio Chico, General Tinio.

Ayon sa dalawa matindi ang pinagdaanan ng kanilang batch dahil napag-abutan sila ng K to 12 program at pandemya kung saan malaking adjustments ang kinakailangang gawin dahil may mga practical at demonstration activities ang nursing na hindi maaaring gawin sa online class.

Sa kabila ng mga luha, pawis, pagod at puyat sa pag-aaral at pagrereview ay hindi lamang sila basta pumasa kundi nakapasok pa sa Top 10, kung saan si Jezana ay nakakuha ng 89% board rating habang si Jamaica ay may 88.80% board rating.

Anak ng magsasaka si Jezana at naitaguyod ang kanyang pag-aaral sa tulong ng pagiging academic scholar nito habang anak naman ng retired army si Jamaica na nakapagtapos din sa pagtutulungan ng kanyang mga magulang at mga kapatid na nasa ibang bansa.

Sa ibinahaging video ni Rommelie Simbulan Peran sa kanyang facebook, hipag ni Jamaica, makikita kung gaano ka-proud ang kanyang mga magulang habang yakap-yakap siya ng mga ito dahil sa wakas ay nagbunga na anila ang kanyang mga pagsusumikap sa pag-aaral at pagrereview.

Iniaalay nina Jezana at Jamaica ang kanilang achievement sa kanilang mga magulang na nananatiling nakasuporta at nagbibigay ng lakas sa kanila upang magpatuloy sa pag-abot sa kanilang pangarap na maging lisensyadong nars.

Ang passing rate sa Nursing Licensure Examination ay 75% at sa humigit kumulang 25, 000 na kumuha ng pagsusulit ngayong taon ay mahigit 18, 000 ang mga nakapasa na may 74.4% na national passing rate.