HIGIT PHP4-B BUDGET PARA SA 2023, PINUKPUKAN NA NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN

Matapos ang Committee of the Whole budget hearing na ginanap noong November 24, 2022 na dinaluhan ng mga pinuno ng bawat departamento ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija ay pinukpukan na sa virtual 45th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang Php4, 399, 615, 167 na proposed annual budget para sa taong 2023.

Sa ulat ni Provincial Budget Officer Isabelita Galila sa budget hearing, lubhang naapektuhan ng pandemyang COVID-19 ang probinsya ng Nueva Ecija tulad ng dinaranas ng iba pang mga Local Government Units, na nagdulot ng pagbagsak sa ekonomiya sa nakaraang dalawang taon.

Ngunit sa kabila nito ay sinikap ni Governor Aurelio Umali sa tulong ng financial team at mga pinuno ng bawat tanggapan na maigayak ang budget para sa patuloy na paghahatid ng serbisyo sa mga mamamayan at tuloy-tuloy na pag-unlad ng lalawigan.

Para sa personal services o personal na serbisyo ng provincial government na kinapapalooban ng sweldo ng mga kawani ng gobyerno, pondo para sa transportasyon ng mga opisyal at mga empleyado ng mga pampublikong kagamitan at iba pa ay naglaan ng Php1, 205, 495, 000.

Ilalaan naman ang Php1, 456, 167 para sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) o operasyon para sa mga proyekto o programa ng lalawigan, at Php5.7-million ay para sa capital outlay o capital para sa mga imprastraktura at iba pa.

Naglagay naman ng Php1, 012, 931, 000 para sa iba’t ibang proyekto, programa at aktibidad ng lalawigan, habang ang halagang Php270, 352, 000 ay ilalaan sa Provincial Disaster Risk Reduction Management.

Sa panayam kay Vice Governor Anthony Umali ay sinabi nitong lumiit man ang budget ay makakaya naman nitong mapagsilbihan at matugunan ang mga pangangailangan ng taong bayan.

Dahil nariyan pa rin ang COVID ay nakatuan aniya ang pamahalaan sa food security, food assistance, health at aid o tulong para sa mga mahihirap nating kababayan.

Sinabi ni Vice Governor Anthony na ikinagagalak ng Sangguniang Panlalawigan na sa kanilang pag-aaral patungkol sa proposed annual budget para sa susunod na taon ay talagang nakita nila kung paano maseserbisyuhan ang mga kalalawigang Novo Ecijano.