Dumalo sa 43rd Regular Session ng SP ang Department of Works and Highways-Nueva Ecija 1st and 2nd Engineering Office, Land Transportation Office, at Philippine National Police upang magbigay ng kasalukuyang sitwasyon sa paghuli sa mga labis ang timbang ng kargada ng mga trucks na dumadaan sa probinsya.
Ayon kay Engr. Homer Garcia, Chief ng Maintenance Section ng DPWH-NE 1st Engineering Office, isa lamang ang ginagamit nilang weighing scale sa Zaragoza na hiniram lamang nila sa Regional Office dahil wala silang sariling timbangan, habang sa kasalukuyan ay wala namang magamit na weighing scale ang 2nd Engineering Office dahil nasira umano ito.
Aniya, nakatakda naman na itong mapondohan sa susunod na taon upang makabili ng timbangan na ikakalat nila sa mga entry points para sa patuloy na pagsasagawa ng check points.
Sinabi ni Engr. Homer na nagsimula silang manita at magbantay ng mga lumalabis sa timbang na mga trucks noong September 16, 2022 at base sa kanilang monitoring mula October 21, 2022 hanggang November 14, 2022 aabot sa 3, 584 na dumptrucks ang dumaan sa Sta. Rosa-Tarlac Road at 1, 443 dito ang mga overloading.
Lumalabas din na ang mga quarry trucks ang pangunahing nakasisira ng mga kalsada, kaya bilang bahagi ng pag-iingat sa kalidad ng mga kalsada ay iimplementa ng DPWH ang 35cm na kapal ng mga pagawaing kalsada.
Sa panayam kay Vice Governor Anthony Umali ay sinabi nitong napagkasunduan ng Sangguniang Panlalawigan members na mai-refer ang usaping ito sa Committee on Housing Land Utilization and Environmental Protection at Committee on Laws, Rules upang bumuo ng isang ordinansa para matulungan ang Task Force Overloading.
Mensahe ni Vice Gov. Anthony sa mga Novo Ecijano, batid nilang mga namumuno ang hirap na pinagdaraanan ng bawat mamamayan sa pagbyahe dahil sa mga sirang kalsada kaya naman patuloy aniya silang gagawa ng paraan upang maisayos ang mga kalsadang ito.