RICE MILL COMPLEX SA GUIMBA, INIHAHANDA NA NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN
Inihahanda na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang ipinagawang Rice Mill Complex na matatagpuan sa Brgy. Culong, bayan ng Guimba para sa programang pamimili ng palay mula sa mga magsasaka.
Ayon kay Provincial Administrator Atty. Alejandro Abesamis, ang lahat ng mga palay na nabibili ng kapitolyo sa ilalim ng Provincial Food Council ay dadalhin sa nasabing complex upang gamiting imbakan at kiskisan ng tuyong palay.
Sinabi ni Abesamis na hindi lamang magsasaka ang makikinabang dito kundi pati ang Novo Ecijano dahil may plano umano na muling magpamigay ng bigas si Gov. Aurelio “Oyie” Umali galing sa mga nabiling palay ng PFC gaya ng ginawa ng gobernador noong kasagsagan ng pandemyang COVID-19.
Sa kasalukuyan mahigit 90 porsiyento na ang nagagawa sa rice complex dahil patuloy pang inaayos ang apat na SILO farm na siyang magiging lagayan ng mga tuyong palay. Mayroon itong kapasidad na 1,500 metric tons bawat isa o maaaring mag-imbak ng 25,000 hanggang 30,000 kabang palay.
Sinubukan na ring paganahin ang limang grain dryer noong October 16-17, 2022 na kayang magpatuyo ng 2,500 kabang palay nang sabay-sabay sa loob ng isang araw.
Bukod dito ay mayroon ding solar dryer na maaaring gamitin ng mga magsasaka kaalinsabay ng mga mechanical dryers, truckscale.
Matatandaan na ang Nueva Ecija ang kauna-unahang lalawigan sa buong bansa na nagtatag ng Provincial Food Council bilang tugon sa panawagan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na tulungan ang mga magsasaka na naapektuhan ng pagsadsad ng presyo ng palay kasunod ng pagpapatupad ng Rice Tariffication Law.