MAGSASAKA, KINAKAILANGANG KUMITA PA RIN KAPAG NAGMURA ANG BIGAS

Hindi maaaring malugi ang mga magsasaka sa bansa kung magdedesisyon ang gobyerno na ibaba ang presyo ng bigas ayon sa Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc.

Sinabi ng chamber president na si Danilo Fausto na dalawang bagay ang hinihiling ng rice farmers, una ang magmura ang bigas para sa mga consumers habang napapanatiling mataas ang farm gate price ng palay.

Aniya, hindi pwedeng ibagsak ang presyo ng pagbili ng palay sa mga magsasaka dahil mahigit P12 kada kilo ang gastos nila dahil sa taas ng mga abono pati na rin ang gasolina.

Nananiniwala si Fausto na hindi maaaring pabayaan ang mga ito dahil mawawalan ng mga magtatanim ng palay kung wala ring kikitain.

Dapat aniyang bigyan ng pamahalaan ng tulong pinansiyal ang mga manggagapas kung nais nilang ibaba ang presyo ng bigas para sa kapakanan nito at ng mga mamimili.

Samantala, abot kamay na ang hangarin ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na maging P20 ang isang kilo ng bigas matapos ilunsad ang Kadiwa ng Pasko Project sa ibat ibang bahagi ng bansa kung saan mabibili na ang bigas sa halagang P25 kada kilo nitong November 16.

Pero aminado ang pangulo na marami pang dapat gawin bunsod ng patuloy na tumataas na bilihin at iba pang pangyayari sa ibang bansa na hindi niya kontrolado.