FILIPINO TRANSWOMAN, KAUNA-UNAHANG SUMALI SA MANHATTAN FASHION WEEK
Malaking karangalan na mabigyan ng pagkakataon na makasali at irepresenta hindi lamang ang kanyang lalawigan kundi maging ang buong Pilipinas sa Manhattan Fashion Week.
Ito ang inihayag ng Pangasinense na si Lexi Austria na kauna-unahang Filipino transwoman na rumampa sa naturang event.
Nag-enrol lamang umano siya sa GHD Modeling Agency para mapagbuti pa ang kanyang runway at modeling skills kaya hindi nito inaasahan na mapasama siya sa nasabing Fashion Week.
Nagustuhan kasi ng organizer ng event at ng agency ang kanyang talento na naging basehan ng mga ito upang irehistro siya sa itinuturing na pinakamalaking event sa larangan ng fashion.
Bilang suporta sa kanya ng kanyang mga pamilya at kaibigan ay may mga nag-alok pa sa kanya na maging personal make-up artist nito.
Nanatili naman itong determinado sa kanyang pagsali sa kabila ng mga negatibong komento na natanggap niya sa tulong ng pag-agapay at suporta sa kanya ng mga kaibigan.
Nagsilbing fashion designer ni Lexi sa Manhattan Fashion Week ang kapwa Pilipino na si Simon Christopher Andres na pinasalamatan nito dahil sa pagtitiwala sa kanyang kakayahan.
Siya ang napiling huling rumampa sa event na itinuturing sa fashion industry bilang “save the best for last” na ikinatuwa rin nito.
Ang Manhattan Fashion Week ay isang Fashion Show Production para sa world class fashion designers upang ipamalas ang kanilang mga fashion collections sa publiko.