DA: PAG-IIMPORT NG HIGIT 21,000 MT NG SIBUYAS SA BANSA, APRUBADO NA
Pinayagan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pag-angkat ng 21,060 metriko tonelada ng sibuyas sa bansa bilang tugon sa mataas na presyo at kakulangan ng suplay sa merkado ayon sa Department of Agriculture.
Sinabi ni DA deputy spokesperson Assistant Secretary Rex Estoperez sa Laging Handa briefing na nilagdaan na ni Agriculture Undersecretary Domingo Panganiban ang liham na naka-address sa mga onion importers na lisensyado ng Department of Trade and Industry o DTI. Ang paksa ng liham ay “pag-isyu ng sanitary at phytosanitary import clearance para sa pag-iimport ng sariwang dilaw at pulang sibuyas.”
Ang aangkatin ng gobyerno ay nasa 17,100 metric tons ng yellow onion at 3,960 metric tons naman para sa red onion.
Dagdag pa nito, kinakailangang siguraduhin ng mga importers na makararating sa bansa ang sibuyas hanggang Enero 27 bago sumapit ang rurok ng panahon ng pag-ani ng mga lokal na magsasaka.
Paliwanag pa ni Estoperez, ang itinakdang oras ng DA ay naglalayong protektahan ang lokal na ani ng mga onion farmers ay inaasahang tataas sa kalagitnaan ng Pebrero at Mayo.
Umaasa naman ang tanggapan na kapag naging sapat ang suplay ng sibuyas sa bansa ay aaabot na lamang sa P150 hanggang P200 kada kilo ang presyo ng sibuyas sa pamilihan tulad nang naitalang halaga noong buwan ng Setyembre, 2022.
Samantala, inalmahan naman ito ng ilang grupo ng mga magsisibuyas dahil makakaapekto ito sa mga magsasaksa na mag-aani sa Pebrero.
Iginiit ni Sinag President Rosendo So na dapat ay noon pang Nobyembre at Disyembre nag-angkat ng sibuyas dahil kawawa ang mga onion growers na umaasa lamang dito lalo pa’t tumataas ang kanilang gastos sa bukid.