KULTURA, TRADISYON NG MGA KATUTUBO SA NUEVA ECIJA, IPINAMALAS SA BAYAN NG CARRANGLAN
Ipinamalas ng mga katutubo sa buong lalawigan ng Nueva Ecija ang nananatiling buhay nilang mga kultura at tradisyon sa pagdiriwang ng ika-6 na “Padit-Subkal Festival” o “Araw ng mga Katutubo” na sa unang pagkakataon ay ginanap sa bayan ng Carranglan.
Ginunita din sa araw na ito ang ika-dalawampu’t limang taon ng pagsasabatas ng Republic Act 8371 o Indigenous People Rights Act of 1997 na nagtaaguyod sa karapatan at kultura ng mga katutubo sa Pilipinas.
Ayon kay Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) Bokal Emmanuel “Tamboy” Domingo, ang “Padit-Subkal Festival” ang kanilang nagiging daan upang maipakilala sa probinsya ang kanilang mga natatanging kaugalian na magpahanggang sa kasalukuyan ay kanila pa ring sinusunod.
Sinabi ni Bokal Domingo na sinimulan ang pagdiriwang ng “Padit-Subkal” sa probinsya sa panunungkulan noon ni dating National Commission on Indigenous People Provincial Officer Doc. Donato Bumacas na ipinagpatuloy naman ng kasalukuyang Provincial Officer na si Ronnie Caanawan.
Pasasalamat ang ipinaabot ni Bokal Domingo sa pamahalaang panlalawigan na bahagi ng pagsasakatuparan ng kanilang selebrasyon dahil naniniwala at umaasa aniya siya na ang puso at paglilingkod ng mga namumuno ay walang kinikilingan sapagkat sila ay kasama na sa kanilang makabuluhang pagseserbisyo para sa bayan.
Sa talumpati naman ni NCIP Provincial Officer Ronnie Caanawan ay ipinahayag nito ang kanyang pasasalamat sa suporta nina Governor Aurelio Umali, Vice Governor Anthony Umali, Sangguniang Panlalawigan at iba’t ibang LGU na nagpapatunay aniya na silang mga katutubo ay bahagi na ng lipunan dahil sila ay nabigyan na ng pagkakataong marinig at mapansin.