Naniniwala ang samahang NECVA o Nueva Ecija Convention and Visitors Association na malaki ang papel na ginagampanan ng mga kabataan sa pagpapasigla ng Turismo sa lalawigan.

Ito ang kanilang tinalakay sa mga mag-aaral na Novo Ecijano, sa ginanap na NECVA Youth Conference sa College of the Immaculate Conception, Cabanatuan City.

Dinaluhan ito ng mga estudyante ng kursong Bachelor of Science in Tourism at Business Administration na mula sa iba’t-ibang kolehiyo at unibersidad ng lalawigan.

2Ang NECVA ay isang grupo ng non-governmental association na binubuo ng mga negosyante sa Nueva Ecija.

Layunin ng samahan, na tulungan ang gobyerno na hikayatin ang mga Novo Ecijano, na tangkilikin at bigyang pansin ang mga magagandang tanawin, masasarap na pagkain at mayamang kultura na mayroon ang probinsiya.

Ayon kay Roelson Ferry, Chairman ng NECVA, hindi dapat maliitin ang kakayahan ng mga kabataan sa pagtulong sa pagpapakilala ng Turismo sa Nueva Ecija.

Sang-ayon naman dito ang mga opisyales ng kagawaran ng Turismo, na nagsilbi ding panauhin ng naturang pagpupulong.

Aniya, ang mga kabataan ang magpapatuloy sa kanilang nasimulan.

Naniniwala ang sangay ng Turismo at NECVA na ang pagiging ignorante o kawalan ng alam sa impormasyon ang pangunahing balakid sa pag-unlad ng turismo sa probinisya.

Kaya’t ang pagiging aktibo at malikhaian ng mga kabataan ang kanilang kailangan upang mapalakas ang kampanya ng turismo at mabigyang pansin ang mga natatagong Tourist spots ng Nueva Ecija.-Ulat ni Danira Gabriel