SANGGUNIANG PANLALAWIGAN, PINAHINTULUTAN SI GOV. OYIE NA MAKIPAG-UGNAYAN SA LANDBANK PARA SA PEÑARANDA-CABIAO BYPASS ROAD

Pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pamumuno ni Vice Governor Doc Anthony Umali sa ika-39 na session ang pagbibigay ng awtoridad kay Governor Aurelio “Oyie” Umali na makipag-ugnayan sa Land Bank of the Philippines ukol sa Peñaranda-Cabiao Bypass Road.

Sa ilalim ng SP Resolution No. 519-s-2022 na may petsa na October 11, 2022, pinahintulutan ng SP ang gobernador na makipagtransaksiyon sa nasabing bangko para sa isang bagong term loan agreement hinggil sa karagdagang plano sa pagpapagawa sa kahabaan ng bypass road sa ika-apat na distrito.

Sa aming panayam kay Engr. Ferdinand Clamonte, Community Affairs Officer IV at Chief Engineer of Construction Division ng Provincial Engineering Office, may halos pitong kilometro pa na kailangang sementuhan sa nasabing alternatibong daan.

Ayon kay Vice Governor Doc Umali, problema ng nasabing distrito ang mabigat na daloy ng trapiko sa southern portion ng lalawigan. Malaki aniya ang maitutulong nito sa mga motorista maging sa pagbabiyahe ng mga produkto o kalakal hindi lamang sa Nueva Ecija kundi pati na rin sa mga karatig na lalawigan.

July 2018 nang maglunsad ng public hearing sa mga bayan na nabanggit ang pamahalaang panlalawigan na dinaluhan ng mga Local Government Units at ng mga property owners na maapektuhan ng gagawing bypass road.

Ang dalawang lane na bagong kalsada ay dadaan mula Peñaranda, Gapan City, San Isidro hanggang Cabiao na may sukat na humigit kumulang 23 Kilometro at may pondo na kulang 1.2 bilyong piso na pinasimulan sa panunungkulan ni dating Gov. Czarina “Cherry” Umali.

Ito ay magbibigay ng alternatibong ruta sa Jose Abad Santos Avenue at Gapan-Fort Magsaysay Road na inumpisahan noong February, 2019 na ipinagpapatuloy ni Gov. Oyie Umali.

Patuloy namang ginagawa ang Peñaranda- Gapan- San Isidro- Cabiao Bypass Road na maaaring mabuksan sa publiko sa pagtatapos ng taong 2023.