Ipinahayag ni Department of Agrarian Reform Secretary Rafael “Paeng” Mariano sa ginanap na Irrigation Summit sa Bayan ng Guimba na isa sa mahalagang programa at policy direction ng Administrasyong Duterte ay ang libreng irigasyon para sa maliliit na magsasaka upang matiyak ang kasapatan ng pagkaing butil para sa sambayanang Pilipino.
Bilang Kinatawan noon ng Anakpawis Partylist ay iniakda ni Mariano ang panukalang batas na gawing libre ang serbisyo sa patubig at ngayon na siya ay naitalaga na bilang kalihim ng DAR ay nananatili aniya ang kanyang paninindigan para sa naturang panukala.

“Walang magsasaka ang mapapatalsik sa kanyang lupang sinasaka”, ito ang matapang na pahayag ni Department of Agrarian Reform Sec. Rafael Mariano sa Irrigation Summit sa Bayan ng Guimba.
Bagaman suportado ng Kalihim at ng Administrasyong Duterte ang libreng patubig ay mayroon namang pagtutol sa bahagi ng NIA-UPRIIS.
Inihayag ni Lucio Mina, Kalihim ng Ugnayan Para sa Libreng Irigasyon at Serbisyo-Nueva Ecija, na tahasan umanong tumutol si Engr. Florentino David, Operation Manager ng NIA-UPRIIS na nakabase sa Cabanatuan City sa libreng serbisyo sa patubig, isang patotoo aniya ay ang pagtanggi nitong magamit ng mga magsasaka ang Gymnasium na nasa bisinidad ng ahensya upang pagdausan sana ng isinagawang Irrigation Summit.
Ayon kay Sec. Mariano, sa kanyang pagrepaso sa 2013 Financial Report ng NIA, nabatid nito na walumpot limang porsyento ng 13.8 billion pesos ay bank accounts o mga hindi nabayarang Irrigation service fees ng mga magsasaka at tatlong porsyento lamang ng halagang nabanggit ang kanilang collection rate.

Inaasahan na maipatutupad sa Administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang libreng patubig sa bukid na matagal nang inaasam ng mga magsasaka ng Nueva Ecija.
Nangangahulugan na aabot sa mahigit labing isang bilyong piso ang utang ng mga magsasaka sa NIA na kinakailangang makolekta ng ahensya upang magamit sa Administrative and operational Expenses, Personal Services ng mga kawani at manggagawa, rehabilitasyon at pagmementina ng mga existing Irrigation facilities, dahilan kung bakit tumututol ang naturang ahensya sa kahilingan ng mga magsasaka.
Suhestiyon ng Kalihim, upang mabura mula sa record ang mga utang na ito ay dapat aniyang maglaan ang gobyerno ng dalawang bilyong pisong pondo kada taon bilang suporta sa NIA.
Sa loob ng anim na taon ay tuluyan na aniyang mababayaran ang mga ito at maiibsan na rin ang problema sa pinansyal ng mga maliliit na magsasaka.
Nangako din si Sec. Mariano na ipaaabot nito ang mga karaingan, pangangailangan at suliranin ng mga magsasaka sa mga ahensyang nakasasakop sa kapakanan ng bawat magsasaka at sa usapin ng pagsasaka.
Samantala, sa mga puntong iprinisinta ni Sec. Mina, taong 1963 nang nabuo ang NIA sa bisa ng Republic Act No. 3601 na may awtorisadong capital na nagkakahalaga ng tatlong daang milyong piso, taong 1974 nang itaas ang capital nito hanggang sa dalawang bilyong piso ayon sa Presidential Decree No. 552 at muling itinaas hanggang sampung bilyong piso noong taong 1980 ayon sa Presidential Decree No. 1702.
Lumilitaw na babayaran at babalikatin ng gobyerno ang kapitalisasyon dito at hindi dapat sa mga magsasaka kokolekta ng pondo para dito. -Ulat ni Jovelyn Astrero