KASO NG LEPTOSPIROSIS SA NUEVA ECIJA, TUMAAS NG 62%- PROVINCIAL HEALTH OFFICE

Tumaas ang bilang ng mga tinamaan ng sakit na leptospirosis sa Nueva Ecija batay sa datos ng Provincial Health Office.

Ayon kay Dra. Josie Garcia, Hepe ng PHO, mayroon nang 94 cases na iniulat mula January 1 hanggang October 13, 2022.

Ang kaso ng naturang sakit ngayong taon ay mas mataas ng 62% kaysa 58 na naitala sa kaparehong petsa noong 2021.

Mayorya sa leptospirosis cases ay mula sa Cabanatuan City at Quezon na mayroong tig-siyam (9), sumunod ang Santo Domingo na may walo (8), Talavera ay pito (7), at ang mga bayan ng Zaragoza, Llanera, San Jose City, Cabiao at Guimba ay may tig-limang (5) kaso.

Sa monitoring ng PHO, karamihan sa mga nagkaleptospirosis ay mga kalalakihan na may edad na 31 hanggang 40.

Mayroon namang 26 deaths kung saan ang lungsod ng Cabanatuan ay nakapagtala ng tatlong nasawi.

Payo ni Dra. Garcia na magpakonsulta agad sa malapit na Rural Health Unit (RHU) sa inyong lugar kung sakaling may mga naramdamang sintomas tulad ng lagnat, pananakit ng katawan, pananakit ng ulo, pagkahilo at pagsusuka.

Ang Leptospirosis ay isang malubhang uri ng bacterial infection na tinatawag na Leptospira Interrogans na nakukuha sa ihi at dumi ng daga ng isang tao na may sugat sa parte ng paa.

Maaaring magkaroon ng komplikasyon ang pasyente sa kidney o bato kung sakaling mapabayaan ang sakit