Naglalagablab na kalangitan dahil sa sunset, ibinahagi ng isang guro sa Facebook

Ibinahagi ng isang guro ng Science City of Muñoz National High School Main na si Sir Darius Escubio sa kanyang Facebook account ang nakuhanan nitong naglalagablab na kalangitan dahil sa sunset o paglubog ng araw.

Kwento ni Sir Darius, dahil sa pagdaan ni bagyong Karding at kanselasyon ng pasok ay nakauwi siya sa kanilang tahanan sa Brgy. San Roque, Cabiao, Nueva Ecija, noong October 12, 2022, upang makapiling ang kanyang mag-ina.

Bandang alas singko bente syete ng hapon habang sila’y nagpapahinga ay sabik siyang tinawag ng kanyang asawa upang pakuhanan ng larawan ang nagkulay pulang kalangitan dahil sa sinag ng bilog na bilog na papalubog na araw.

Ani Sir Darius, maraming mga puno ang nakatanim sa likurang bahagi ng kanilang bahay na pinatumba ng bagyong Karding kaya nabigyang daan ang sinag ng araw upang makapasok sa bintana ng kanilang kwarto na unang pagkakataon nilang nasilayan sa loob ng dalawampung taong paninirahan doon.

Pagbabahagi nito, nakahiligan na rin ng kanyang misis ang abangan ang sunrise o pagsikat ng araw sa gawing harapan ng kanilang bahay kaya gayun na lamang ang katuwaan nito nang sa unang pagkakataon ay masilayan naman niya mula sa kanilang tahanan ang paglubog ng araw.

Para kay Sir Darius, maituturing na panibagong pag-asa ang sunset na kanyang nakuhanan, na sa kabila ng pagkasira ng mga punong pinagkukunan nila ng mga bunga dahil sa bagyo ay ipinapaalala ng Panginoon na kontrolado pa rin Niya ang mundo at ipinapakita ang Kanyang pagmamahal sa mga tao sa pamamagitan ng magaganda Niyang mga likha.

Ipinost aniya nito ang nakunang larawan sa social media bilang pagpaparangal sa likha ng Panginoon dahil sa paniniwalang ang nagpaparangal sa Diyos ay pararangalan din.

Mensahe nito sa mga mamamayan na anumang pagsubok ang kinakahaharap natin ay hindi rin masamang bigyan ng kasiyahan at pag-asa ang ating mga sarili sa pamamagitan ng pag-appreciate sa mga biyaya ng Diyos tulad ng kalikasan.