Umaabot sa 1.5 tons ng dahon mula sa iba’t-ibang klase ng medicinal plants kada araw ang pinoproseso ng LAC o Leoni Agri Corporation Farm na siyang nangungunang producer ng medicinal herbs sa Pilipinas.

Ayon sa managing director nito na si Antonio Causing, pangunahing pananim nila ang sambong at lagundi na ginagamit ng Pascual Laboratories para sa kanilang Releaf and Ascof brands.

Ang LAC Farm na matatagpuan sa bayan ng Sta. Rosa ay kilala rin dahil sa organic farming at sinertipikahan ng Organic Certification Center of the Philippines, Good Manufacturing Process at Good Acricultural Process.

Ayon pa kay Causing, pinili nila ang organic farming upang matiyak na ligtas at hindi ginamitan ng pesticides o fungicides ang mga sinusuplay nilang produkto sapagkat ginagamit aniya ito sa paggawa ng gamot.

Kaugnay nito ay layunin din ng LAC Farm na makapagproduce ng organic products na may-abot kayang halaga para sa mga pangkaraniwang tao.

Ang LAC Farm na may lawak na 42 hectares ay dati raw tinatawag na arid land o tuyong lupa sapagkat puro talahib at kugon ang mayroon dito pero pagkatapos sumailalim sa rehabilitasyon ang lupa ay nakita nila ang potensyal nito sa agrikultura.    

              

Sa ngayon, ay tumatanggap ang LAC Farm ng mga bisita para ipakita at iparanas sa mga ito ang buhay probinsya at ang pag-aagrikultura. –Ulat ni Irish Pangilinan