Inihayag ni Senator Cynthia Villar sa kanyang pagdalo sa 24th Anniversary ng Philippine Carabao Center ang plano nitong makapagpatayo ng Farm School sa bawat bayan sa buong bansa upang masiguro ang kasapatan ng pagkain ng mga Pilipino sa susunod na tatlumpong taon.

Ayon kay Senator Villar, base sa naging pag-aaral ng United Nations Food and Agricultural Organization, nanganganib ang food security ng bansa sa darating na 2050, bagay na maaari namang pigilan kung mabibigyan ng sapat na kaalaman ang mga pilipinong magsasaka sa tamang pagpapalago at pagpapataas ng kita sa agrikultura.

Sa kanyang talumpati ay ipinahayag nito ang kanyang pagkadismaya sa mga State and Colleges, sa loob aniya ng tatlong taon bilang chairman ng Committee on Agriculture and Food, sa 454 campuses sa bansa ay siyam lamang ang mayroong extension program para sa pagtuturo ng agriculture sa mga magsasaka.

Dismayado din ang senadora sa National Dairy Authority dahil isang porsyento lamang umano ng milk demand ng bansa ang naipoproduce nito, kaya karamihan sa mga kabataang mahihirap ang hindi nakakainom ng gatas ng kalabaw.

Naging laman din ng talumpati ni Villar ang mekanisasyon o paggamit ng makina sa pagsasaka na makatutulong aniya upang mapataas ang kita ng mga magsasaka at makabawas sa labor cost.

Ayon dito kahirapan ang pangunahing problema ng bansa at mayorya sa mga ito ay nasa sektor ng mga magsasaka.

Kaakibat ng plano ni Sen. Villar na makapagpatayo ng Farm School ay hinamon din nito ang PCC na makapagpatayo ng PCC Office sa bawat probinsya sa bansa na sisiguro sa malusog na pangangatawan ng mga kabataan at maayos na hanap-buhay para sa lahat ng mamamayan.

Sa pamamagitan nito ay umaasa ang Senadora na masosolusyunan ng PCC ang mababang milk production ng bansa upang masustenahan ang mga batang walang sapat na nutrisyon. -Ulat ni Jovelyn Astrero