Basang palay ng magsasaka sa Santa Rosa, binili ng kapitolyo
Ito ang pinanghahawakan ni Mang Ernesto Dela Cruz, 72 anyos, ng bayan ng Sta. Rosa, ang pangako sa kanila ni Governor Aurelio Umali.
Isa sa mga pinangangambahan ng mga magsasaka kapag panahon ng tag-ulan ay kapag may parating na bagyo o malalakas na buhos ng ulan na sisira sa kanilang mga pananim na mga palay, partikular na ang malalakas na hangin na magpapadapa sa kanilang mga pananim.
Kagaya na lamang ng inabutan ng Balitang Unang Sigaw Team kung saan ang aning palay na bibilhin ng kapitolyo ay inabutan ng malakas na buhos ng ulan.
Mabuti na lamang at naiahon na sa bukid ang mga ito at natakpan na ng trapal.
Ayon kay Tatay Erning, naibsan ang kanilang pangamba na masisira o mababasa ang kanilang palay dahil sa malalakas na ulan dahil bukod tangi nilang pinanghahawakan ang pangako ng ama ng lalawigan na kahit tumutulo o may sabaw ang kanilang palay ay bibilhin ito ng kapitolyo para matulungan ang mga magsasaka.
Ayon pa sa kanya malaking problema kapag inabutan ng ulan ang kanilang aning palay, lalo na kapag mga traders na ang bibili nito dahil babaratin at sobrang baba ng presyo ang iniaalok sa kanila.
Dahil wala na silang magagawa ay napipilitan silang ibenta na lamang ito sa mga traders upang mapakinabangan kaysa mabulok lang.
Malaking pasasalamat din ni Ginang Chielo Marie Lontoc ng Brgy. Inspector Sta. Rosa na kahit naabutan ng malakas na buhos ng ulan ang kanyang palay ay binili pa rin ng kapitolyo sa mas mataas na presyo ang kanyang mahigit 300 kaban ng palay.
Binili ito ng kapitolyo sa halagang P16.70 bawat kilo na may moisture content na 22.4 na may variety na 480.
Ipinagmamalaki rin niya ang programa ni Gov. Oyie na Provincial Food Council dahil bukod tangi umanong Gobernador na nakaisip na matulungan ang mga magsasaka sa lalawigan ng Nueva Ecija na naapektuhan ng pagbagsak ng presyo ng palay.
Kaya kahit malakas ang buhos ng ulan at inabot na ng gabi ay hindi sila binigo ng pamahalaang panlalawigan na bilhin ang kanilang palay