3 OFWs sa Middle East, nakauwi na sa Nueva Ecija sa tulong ng kapitolyo
Nakauwi na sa Pilipinas ang tatlong (3) overseas Fiipino workers (OFWs) galing sa Middle East na tinulungan ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng OFW Help Desk ng Provincial Public Employment Service Office nitong buwan ng Setyembre.
Ayon kay PESO Manager Maria Luisa Pangilinan, sa pamamagitan ng tulong ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at PESO OFW Help Desk ay napabilis ang pag-aayos ng mga papeles ng mga ito sa Department of Foreign Affairs at Philippine Overseas Employment Administration.
Sabay na dumating sa bansa sina Glorie Prijinal na mula sa Oman at Reysiel Diaz na galing sa Saudi Arabia noong September 1 habang si Ivy Rose Castillo na nagtatrabaho rin sa parehong bansa ay nakauwi noong September 5, 2022.
Si Glorie ay isang Household Worker sa Muscat sa loob ng isang taon at dalawang buwan. Nakaranas nang pagmamaltrato sa kaniyang amo at nagtatrabaho ng lampas sa oras. Tulad rin ni Glorie, ganito rin ang sinapit sa kaniyang amo ni Ivy Rose na isang Domestic Helper sa Al Khobar Damman sa loob lamang ng sampung buwan. Si Reysiel ay isang On-call Cleaner sa Jeddah sa loob ng apat na taon na ang kaso ay overstayed at walang papel upang magtrabaho sa bansa.
Sa direktiba nina Gov. Aurelio “Oyie”Umali at Vice Gov. Doc Anthony Umali ay mahigpit na ipinagbibilin ang patuloy na pagmonitor sa mga repatriated OFW upang matulungan pati ang kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng pagbibigay ng medical at financial assistance, livelihood programs at scholarships.
Umaabot na sa 189 repatriated OFW ang natulungang makauwi ng OFW Help Desk simula noong January hanggang September 2022 na labis na nagpapasalamat sa programa