Itinutulak ng RDC 3 ang pagpapatuloy ng mga pagawaing kalsada sa Central Luzon particular sa mga lalawigan ng Bulacan at Nueva Ecija patungong Port of Aurora na bahagi ng CLLex na magdurugtong ng SCTEx o Subic-Clark-Tarlac Expressway at NLEx o North Luzon Expressway.

Ayon kay RDC Chair Bulacan Governor Wilhelmino Alvarado, mahalaga ang mga nasabing proyekto na ipapagawa sa tulong ng JICA o Japan International Cooperation Agency para sa agro-industrial development ng mga probinsiya sa North at Central Luzon.

Nangunguna umano sa agenda ng RDC 3 ang pagpapatuloy ng CLLEx na nakikita bilang isa sa mga maipagmamalaki ng Bulacan at magsisilbi namang alternatibong ruta kapag natuloy ang pagpapatayo ng New Bilibid Prison sa Nueva Ecija.

Kinumpirma ni Governor Aurelio Umali na tuluy na tuloy na ang konstruksyon ng CLLEx sa Nueva Ecija na dadaan sa mga bayan ng Zaragoza, Aliaga, at Cabanatuan na sisimulan sa huling parte ng susunod na taong 2015 at inaasahang matatapos sa 2018.

Paliwanag ni Governor Umali, importanteng suportahan ng mga gobernador ang nasabing proyekto upang mapabilis ang pagpapagawa nito dahil kung hindi ay mahihirapang maisakatuparan ito.

Matatandaan aniya na ang CLLEx o kalsada mula Norzagaray, Bulacan na dadaan sa Nueva Ecija patungong Port of Aurora ang tanging PPP o Public-Private Partnership Project na binanggit ni Pangulong Benigno Aquino III sa kanyang Inaugural SONA.- Ulat Ni Clariza De Guzman