Sa halip na Yarcia ay naging Garcia ang apelyido ni incumbent Punong Barangay Darius ng Santa Arcadia, Cabanatuan City, sa listahan ng mga kandidato na nasa loob ng folder, ito ay ayon kina Albert Hipolito at Christopher Mimis, mga watcher nito.

Anila, agad nilang ipinagbigay alam sa mga nakatalagang guro sa mga presinto ang tungkol dito at ayon umano sa mga guro ay wala itong magiging epekto sa boto ni Yarcia.

Sa panayam ng Balitang Unang Sigaw kay Atty. Panfilo Doctor Jr., Provincial Election Supervisor ng Commission on Elections Nueva Ecija, base aniya sa patakaran sa ilalim ng General Instructions to the BET o Board of Election Tellers, kung ang isang pangalan na naisulat ng botante sa balota ay katunog ng pangalan ng isa sa mga kandidato, ang boto ay mapupunta rito.

Pero nakadepende pa rin aniya sa desisyon ng mga BET kung ang boto ay counted o ibibilang sa kandidatong katunog ng pangalan na naisulat sa balota.

Dagdag ni Doctor, maaaring icount ang boto base sa first name o pangalan, nickname o palayaw, o apelyido ng kandidato basta wala itong kapangalan o kaapelyido sa mga katunggali sa posisyong tinatakbuhan nito.

Samantala, kahapon ng hapon ilan sa mga natanggap na reports ng COMELEC ay ang mga nawawalang pangalan na nahanap din naman umano, mga pangalang napirmahan ng ibang tao at ang vote buying.

Sinabi ni Doctor na maaaring madisqualify ang mga kandidato at makulong ang sinumang mapatutunayang bumili ng boto noong eleksyon.—Ulat ni Jovelyn Astrero