Paraiso para sa mga mamamayan ng Gabaldon ang kanilang bayan dahil sa mga likas na yaman nito na pinagkukunan ng kanilang mga ikinabubuhay bago ito unti-unting sinira ng mga nagdaang malalakas na mga kalamidad.
Sa kabila ng babala ng Mines and Geo-Sciences Bureau of Department of Environment and Natural Resources sa nakaambang panganib at pagdedeklarang No Habitation Zone ang Sitio Baterya ng Barangay Bagting at Brgy. Calabasa ay hindi magawang tuluyang lisanin ng mga residente doon ang kanilang mga tahanan at hanap-buhay.

Pamumulot ng batong puti ang pangunahin ngayong ikinabubuhay ng mga mamamayan sa Bayan ng Gabaldon, matapos na matabunan ng mga bato at graba ang kanilang mga bukirin.
Bagama’t nasira ang mga kabahayan at lupaing sakahan ng mga residente doon ay nakahanap pa rin ang mga ito ng alternatibong pagkakakitaan sa pamamagitan ng pamumulot ng mga bato na kanilang ibinebenta upang makaraos sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Kasama rin sa malubhang nasira ng mga bagyong Nona, Lando at Onyok ang Dupinga River na dating dinarayo ng mga turista.
Bago ito matabunan ng malalaki at makakapal na bato at buhangin ay dinarayo ito ng marami tuwing tag-init dahil sa lamig ng tubig na dumadaloy dito, kaya naman naisipan itong tayuan ng mga kubo ng mga Dumagat upang parentahan sa mga bisita.
Ayon kay Renato Casamis, Kapitan ng mga Katutubong Dumagat sa Dupinga, para silang pumapana sa dilim ng masira ang Dupinga River na siyang naging sandigan nila upang makapamuhay ng maayos at marangal.
Umaapela ng tulong sa National at Foreign Agencies ang mga mamamayan ng Gabaldon, dahil para sa kanila hindi solusyon ang pagpapaalis sa kanila sa lugar na kinamulatan na nila, kundi ang iligtas ito mula sa tuluyang pagkawasak at pagkasira. –Ulat ni Jovelyn Astrero