5 ospital sa Nueva Ecija, tatanggap ng tig-1 unit ng ambulansya mula sa DOH
Tatanggap ng tig-isang yunit ng ambulansya na may kasamang mga kagamitan nito ang limang ospital na pinatatakbo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija mula sa Department of Health (DOH).
Ito ay matapos na aprubahan sa unang pagbasa sa 30th regular session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na tanggapin at lagdaan ang Deed of Donations sa pagitan ng Provincial Government at Kagawaran ng Kalusugan.
Layunin nitong higit na maisulong ang pangkalahatang pangangalaga sa kalusugan sa pamamagitan ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP).
Kabilang sa tatanggap ng ambulansya ang Gapan District Hospital, Guimba District Hospital, Gen. Tinio Medicare and Community Hospital, Gabaldon Medicare and Community Hospital, at Carranglan Medicare and Community Hospital.
Samantala, kabilang din sa mga inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan sa unang pagbasa ay ang pagbabalik sa Development Fund ng pondong nagkakahalaga ng Php5, 000, 000 mula sa unexpended appropriation na nakalaan sa pagpapagawa ng Multi-purpose Building sa Brgy. Talipapa, Cabanatuan City para ireprograma at ilaan ito sa pagpapagawa ng Multi-purpose Building/ Evacuation Facility sa Brgy. Picaleon, Gen. Mamerto Natividad.
Land ownership o usapin sa pagmamay-ari ng lupang sana ay pagtatayuan ang dahilan kung bakit hindi naituloy ang proyekto kaya mas minabuting ireprograma ang pondo para sa ibang pagawain.
Kasama din sa aprubado ng SP ang pagrereprograma at paglalaan ng pondo na may kabuuang halaga ng Php78, 000, 000 mula sa Budget Surplus/ Cash Savings para sa mga sumusunod:
- Concreting of Parking Area at Guimba District Hospital, Brgy. Pacac, Guimba
- Construction of RCDG Bridge with slope protection along Bibiclat – Sto. Domingo Road, Brgy. Bibiclat, Aliaga at Brgy. San Alejandro, Quezon
- Construction of Hanging Bridge, Brgy. Buliran, Cabanatuan City
- Repair/ Rehabilitation of ELJ Memorial College Dormitory (Phase 1), Palayan City
- Additional Works for ELJMH Cold chain Storage Facility, Daan Sarile, Cabanatuan City
- Procurement of Farm Tractors with Rotary Tiller
- Installation of Solar-light at Various Facilities of the Provincial Government