Pagliligtas sa buhay ng tao sa panahon ng sakuna, ito ang pinakaimportanteng tinalakay ng binuong Geohazard Technical Committee and Technical Working Group ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa isinagawang Information Education Campaign na may temang “Kahandaan at Pagtugon sa Sakuna, Tungkulin ng Bawat Isa”, sa Bayan ng Gabaldon.
Ayon kay Executive Officer Bencelito Parumog ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO, binuo ang Geohazard Working Group upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan sa pinangangambahang muling pagguho ng lupa dahil sa mga bagyong maaaring maidulot ng La Niña.

Itinuro ng binuong Geohazard Technical Committee and Technical Working Group ng Nueva Ecija sa mga residente na nakatira sa mga bulubunduking lugar ang mga paghahanda upang iligtas ang kanilang mga buhay sa pagdating ng sakuna.
Dagdag nito, gagawing pansamantalang relocation sites para sa mga ililikas na mga residente ang mga Multi-purpose Gym o Facilities na ipinatayo sa mga barangay ng Pamahalaang Panlalawigan.
Sinabi din ni Parumog na mayroong inihahandang lupa ang Pamahalaang Bayan ng Gabaldon katuwang ang Provincial Government para sa permanent relocation ng mga residenteng nawalan ng tahanan noong kasagsagan ng bagyong Lando at Nona.
Idineklara na umano ang Sitio Baterya ng Brgy. Bagting bilang No Habitation Zone kaya permanente ng pina-aalis ang mga nakatira doon na prayoridad namang mabigyan ng lupa.
Maagap na paghahanda upang masiguro ang kaligtasan, ito ang naging aral kay Kapitan Andy Meradios ng Brgy. Calabasa dahil sa dinanas na kalamidad noong nakaraang taon.

Kampanya upang maging handa sa pagdating ng sakuna, isinagawa sa Bayan ng Gabaldon, Laur, Bongabon at Pantabangan.
Ayon kay Kapitan Meradios, wala mang buhay na naisakripisyo noong bagyong Lando at Nona ay may kabarangay naman itong nasaktan habang sinisikap na mai-rescue ang mga residente ng kanilang barangay na naipit sa kalagitnaan ng bagyo.
Matatandaan na noong nakaraang taon bagaman marami ang nasira dulot ng mga nagdaang bagyo, ay wala namang naiulat na namatay sa Bayan ng Gabaldon dahil sa naging maagap na paglilikas ng mga residente ng Pamahalaang Lokal at Barangay Officials ng nasabing bayan.
Kahapon ay tinungo naman ng Geohazard Working Group ang Brgy. San Fernando at Brgy. San Vicente sa Bayan ng Laur para sa pagsasagawa ng Information Education Campaign, at sa susunod na mga araw ay kanilang tutunguhin ang Brgy. Labi sa Bayan ng Bongabon at Brgy. Cadaclan at Brgy. Marikit sa Bayan ng Pantabangan. -Ulat ni Shane Tolentino