Barangay Lourdes sa Cabanatuan, may bagong gym handog ng kapitolyo
Sa mahabang panahon ay pinapangarap na ng mga taga Brgy.Lourdes na magkaroon ng covered court na mapaglalaruan ng basketball, sa wakas ay nakamit na nila ang matagal na nila ang minimithing multi-purpose gymnasium.
Ayon sa mga official ng barangay dati-rati ay nakikihiram lang sila ng lugar na sakop ng kalsada para sa mga pagdiriwang sa kanilang barangay, gaya ng mga fiesta o mga palaro para sa mga kabataan, o di kaya nakikidayo na lamang ang mga ito sa ibang mga barangay para maglaro ng paborito nilang basketball.
Naranasan din nilang hindi natutuloy ang kanilang mga paliga kapag umuulan o katirikan ng araw dahil walang bubong na magsisilbing silungan para hindi sila mabasa o mainitan habang naglalaro, at kapag may dumaraang mga sasakyan ay pansamantala muna silang titigil sa paglalaro para bigyang daan ang mga sasakyan na dumaraan sa basketball court na sakop ng kalsada.
Kaya malaking bagay talaga para sa mga taga-Lourdes ang kaloob na gym ng kapitolyo para makaiwas ang mga kabataan sa masamang bisyo at nagkakaroon pa sila ng mabuting ugnayan at pagkakaibigan.
Malaking biyaya ito kung ituring ng mga taga barangay ang pagkakaroon nila ng gym na magsisilbi ring evacuation center kapag may sakuna, may sayawan at kantahan, zumba na paborito ng mga nanay, at kapag may birthday at kasal ay pwede ring magamit ng mga taga barangay.
Naging emotional naman si Kapitana Gemma Fajardo sa pagpapasalamat sa ama at ina ng lalawigan, Former Gov. Cherry Domingo Umali at Governor Aurelio Umali sa pagkakaloob ng bago at magandang gym sa kanilang barangay.
Kwento pa ng kapitana, napakaraming tulong na ang natanggap ng kanilang barangay kay Gov. Oyie, dahil mula sa pagkakaroon ng lupa na pagtatayuan ng bagong barangay hall at pagpapatayo ng kanilang bagong basketball gym ay nakaagapay ang gobernador.
Lubos naman ang pasasalamat ng taga barangay Lourdes kay Governor Umali sa walang sawang pagtulong at pagkalinga sa kanila.