Kasunod ng anunsiyo ni Department of Social Welfare and Development Secretary Erwin Tulfo na lilinisin ang listahan ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay nagsimula na ng assessment ng ang mga frontliners ng ahensiya sa bawat bayan at lungsod dito sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Ayon kay Christer Carandang, Partnerships Officer ng DSWD-NE, aabot sa 3, 194 households out of 84, 500 active members ang initial target nila na maalis sa nasabing listahan.
Paglilinaw ni Officer Carandang, dating ‘deserving’ ang mga matatanggal sa listahan pero dahil sa 4Ps ay umunlad na ang kanilang pamumuhay kaya kinokonsidera na silang nasa level 3 base sa kanilang assessment indicator na ibig sabihin umano kaya nang tumayo sa sarili nilang mga paa nang wala nang suporta ng gobyerno.
Ang mga mababakanteng slots ay muling pupunan ng mga bagong beneficiaries.
Dagdag nito, hindi inaaplayan ang pagiging benepisyaryo ng nasabing programa kundi mayroon silang mga enumerators na nagbabahay-bahay upang alamin kung sino ang mga dapat na masali sa listahan.
Sa kasalukuyan umano ay nasa mahigit P100-Billion ang kabuuang budget ng 4Ps, habang 4.4 million naman ang active beneficiaries sa buong bansa.
Pangunahing benepisyo sa ilalim ng programang ito ang cash grants para sa edukasyon, at kalusugan ng pamilya na natatanggap sa pamamagitan ng kanilang cash cards.