Lubos ang kasiyahan ng kampo ni Mayor Lucio Uera makaraan siyang ibalik at ideklara ng Court of Appeals sa kanyang katungkulan bilang Mayor ng bayan ng Pantabangan.

Binaligtad at isinantabi ng CA base sa labimpitong pahinang desisyon nito na may petsang June 18, 2015 ang naging kapasyahan ng Office of the Ombudsman na guilty si Mayor Uera para sa mga kasong Grave Misconduct at Grave Abuse of Authority na isinampa ng apatnapo’t apat na permanent employee ng lokal na pamahalaan ng Pantabangan noong taong 2005.

Ayon kay Uera, pwede pa ring umapela ang kanyang mga kalaban sa Kataastaasang Hukuman upang mabago pa ang desisyon ng Court Appeals ngunit sa ngayon ay siya ang nararapat na kilalaning alkalde ng kanyang mga nasasakupan at wala ng iba pa.

Matapos matanggap ang hatol ng korte, kaagad na nagpatawag ng special meeting si Mayor Uera sa mga Department Heads ng Munisipyo ng Pantabangan at ipinagbigay-alam ang kanyang pagbabalik sa pwesto.

Inaasahan din ni Uera na dahil sa desisyon ng CA ay makukuha na ng mga kawani ng lokal na pamahalaan ang kanilang sweldo na nabinbin ng dalawang buwan sa banko.- Ulat ni Clariza De Guzman