Nagpapagaling pa sa ospital ang isang dating pulis na pinagbabaril noong July 10, 2022 sa barangay Bagong Sikat, bayan ng Gabaldon.

Kinilala ang biktima na si Edgardo del Rosario y Antonio, 73 years old, may asawa, retired Philippine Constabulary, at residente ng naturang lugar.

Habang ang suspek na hindi pa nakikilala ay nakasakay ng motorsiklo, nakasuot ng maong pants, dark blue jacket, bull cap, at rubber shoes.

Base sa report ng Gabaldon Police Station, 6:30 ng umaga, nasa loob ng tindahan ng mga produktong pang-agrikultura si del Rosario nang dumating ang suspek na kaagad bumunot ng baril at pinaputukan siya ng maraming beses sa dibdib.

Matapos isinagawa ang krimen ay mabilis itong tumakas patungong barangay Ligaya, Gabaldon.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, pinaniniwalaang away sa lupa ang motibo ng suspek sa pamamaril sa biktima.