Nagpangiti sa mga motorista ang pangalawang magkasunod na linggong bawas presyo sa produktong petrolyo.

Kahapon ng alas sais ng umaga July 12, 2022 ay bumaba ng P6.10 per liter ang diese, habang P5.70 sa gasolina at P6.30 naman sa kerosene.

Ayon sa Department of Energy (DOE) ang malaking tapyas sa halaga ng langis ay sanhi ng pagbaba ng global demand kaugnay na rin sa patuloy na nagaganap na lock down sa Shanghai China, bukod pa ang interest rate sa iba’t ibang mga bansa ,kabilang ang United Kingdom at Estados Unidos, isama pa ang pangmundong recession na maaari umanong magdulot ng demand destruction o pagkaunti ng bumibili ng produktong petrolyo dahil sa sobrang mahal ng presyo nito.

Bagama’t may mataas na bawas sa presyo ng krudo, hindi pa rin ito sapat para sa mga miyembro ng SRN Toda o San Roque Norte Tricycle Operators and Drivers Association, dahil ramdam pa rin nila ang dating walang tigil na pagtaas ng halaga gasolina, at ang mababang singil pamasahe, dagdag pa ang kawalan halos ng pasahero.

Problema naman ng mga jeepney driver na may byaheng Cabanatuan-Fort Magsaysay, sa kanilang pamamasada ang matagal na pila sa paradahan at kawalan ng pasahero.

Halos umaabot sila ng anim na oras bago makatakbo, at kahit hindi pa puno ang kanilang jeep ay napipilitan din silang umalis dahil may oras na kailangang sundin. Kaya sa maghapon ay halos isang round trip lang ang kanilang byahe, at halos aapat na lamang silang nagtityaga sa pamamasada para lang kahit papaano ay may pagkain ang kanilang pamilya. Ang iba nilang mga kasamang tsuper ay hindi na namamasada dahil sa taas ng presyo ng diesel at kawalan ng pasahero.

Umaasa ang mga driver ng mga pampasaherong tricycle at jeep na magtutuluy-tuloy na ang pagbaba ng presyo ng petrolyo at sa pasukan ay magkakaroon na rin ng pasahero lalo na kapag face to face na ang klase ng mga estudyante.

Samantala, tumaas na rin ang pamasahe sa tricycle dito sa Cabanatuan, P20.00 na sa taripa per byahe pero sa pilahan kapag dalawa ang sakay ang bayad ng pasahero ay P15.00 na lang bawat isa.