Nag-ambag ng mahigit kumulang 50 units ng dugo ang Nueva Ecija Cardinals Lions Club sa PJGMRMC Blood Bank sa ginanap na Blood Letting activity katuwang ang Philippine Army, Regional Mobile Group ng Gapan City PNP, at ilang civilian volunteers.

Ayon sa Region Chairperson ng Lions Club International District 301 na si Janette Fernando, isinabay nila sa ika-apatnapo’t dalawang kaarawan ng kanyang kapatid na si Michael Valmonte, miyembro din ng Lions Club, ang nasabing aktibidad upang ito ay maging makabuluhan.

Nanggaling pa sa 56th IB ng Baler, Aurora,  48th IB sa Bulacan,  70th  IB ng Laur, at Regional Mobile Group ng PNP Gapan City ang mga sundalo at pulis na boluntaryong nag-donate ng kanilang dugo sa nasabing bloodletting activity ng Cardinals Lions Club.

Ani ni Col. Joey Escanillas, bukod sa mandato ng kanilang trabaho na makilahok sa mga katulad na aktibidad ay self-fulfillment din para sa mga sundalo ang makapagbigay ng dugo dahil maaari itong makapagdugtong ng nanganganib na buhay kaya tumutulong sila sa ganitong gawain.

Hinihikayat ng Head ng Blood Bank ng PJGMRMC na si Dr. Emelita Reyes ang publiko na huwag matakot na magbahagi ng dugo sa ating kapwa dahil sa magandang naidudulot nito sa ating katawan.- Ulat ni Clariza De Guzman