Nagkasundo ang mga miyembro ng Nueva Ecija Food Council sa meeting na isinagawa kahapon, October 23, 2019 sa Microtel Cabanatuan na bibilhan na rin ng palay ng pamahalaang panlalawigan ang mga magsasakang may hanggang tatlong ektaryang bukirin.
Paliwanang ni Governor Aurelio Umali, upang mas mapakinabangan ang P2.2-B na pondo para sa Palay Price Support Program (PPSP) ay kinakailangang mas dumami pa ang mga farmer beneficiaries.

Ayon sa gobernador, kung kakayanin ngayong anihan ay maaari na ring mapabilang ang mga magsasakang may tatlong ektarya pababang sakahan at kung hindi naman ay sa susunod na season na lang ngunit ang validation ay maaari nang isagawa sa kasalukuyan.
Kasama din sa mga napagkasunduan ng konseho ang pagpapatayo ng sariling rice mill ng kapitolyo at pagbili ng mga reaper/harvester upang masustinehan ang naturang programa.
Gagawan naman ng panibagong request sa Sangguniang Panlalawigan ang mga pagbabago sa sistema ng pamimili ng palay.
Kabilang din sa tinalakay ang magiging presyo ng bigas sa merkado sa halagang P32/kilo pero sa mga kukuha umano ng maramihan ay maaaring ibigay sa P31/kilo.

Paglilinaw ng ama ng lalawigan, breakeven lang o balik puhunan ang P32 na presyo ng Malasakit Rice at kung maipapatayo na ang sariling rice mill ng pamahalaang panlalawigan ay maaari pa itong ibaba dahil maibabawas na sa gastusin ang bayad sa pagbibilad at pagpapakiskis ng palay.
Iniulat din ni Gov. Umali ang pinakahuling update sa pamimili ng palay at aniya ay aabot na sa 259 ang empleyado ng Nueva Ecija Food Council at may 35 sasakyan na nagagamit sa pag-iikot sa mga pamimili ng palay.
As of October 21,2019 ay nakapamili na ang kapitolyo ng 26,646 kaban ng palay na may timbang na umaabot sa 1,494,696 kilograms at may kabuuang halaga na P21,086,786.62.
Mula sa mahigit 26,000 na kaban ng palay ay may 8,796 sako nan g tig-25 kilo ng bigas ang nai-produce. –Ulat ni Jessa Dizon