Dalawang dahilan ang nakikita ni Cabanatuan City Vice Mayor Anthony Umali sa pagtatangka ng ilang konsehal na ipagbawal ang video coverage sa Sangguniang Panlungsod.
Una, ang pagtutulak ng mga miyembro ng mayorya sa panukalang pagpasok ng “three-wheeled cab” bilang panibagong pampasaherong sasakyan sa lungsod.
Matatandaan na hindi sinang-ayunan nina VM Umali, Kon. Nero Mercado at Kon. Gave Calling ang pagpasa sa ikalawang pagbasa ng panukalang pag-amyenda sa Ordinance No. 001-2019 o Revised Traffic Code sa kadahilanang hindi umano ito dumaan sa public hearing at hindi rin sila kumbinsido sa ginawang simpleng depinisyon sa naturang panukala.
Bukod pa na layon ng “three-wheeled cab” na maihanay sa mga regular na tricycle ng lungsod na magsisilbi umanong pinto upang makapasok ang isang malaking kumpanya na posibleng makasagasa sa kabuhayan ng dalawampung libong namamasadang tricycle driver sa Cabanatuan.
Naninindigan ang Bise Alkalde na kahit ipilit na ipasa ng mayorya sa ikatlong pagbasa ang panukala ay hindi pa rin nila ito sasang-ayunan.
Habang ang pangalawang nakikitang rason ng Bise Alkalde sa mosyon na i-ban ang video coverage ay ang tila paghahanda umano ng ilang konsehal sa pagpasok nang susunod na mga miyembro nito.
Maswerte nga aniya ang mga miyembro ng Sanggunian sa Cabanatuan dahil sa pamamagitan ng media coverage ay naihahatid sa mga mamamayan ang tunay na kaganapan sa loob ng session na mahalagang maipaalaman sa taong bayan.
Bagama’t tatlong linggo na lang ang nalalabi ng kanilang panunungkulan ay hinihikayat ng Bise Alkalde ang media na patuloy na subaybayan ang mga susunod na session.
Ang pagbabawal sa media video coverage ay nagmula kina Kon. Jon Ilagan, Kon. Junnie Del Rosario at Kon. Fanny Posada sa naganap na regular na sesyon noong May 27, 2019. –Ulat ni Danira Gabriel