Sa ika-isangdaang araw ni Governor Umali sa panunungkulan bilang Punong Lalawigan ng Nueva Ecija ay inilahad nito ang kanyang mga programa, proyekto at naipagkaloob na mga serbisyo sa mamamayang Novo Ecijano.
Ibinahagi ng gobernador ang mga ipinangako nitong mga proyektong pang-imprastraktura na binigyang katuparan nito tulad ng pagpapahusay sa mga pasilidad sa mga district hospitals kabilang ang pagpapagawa ng ELJ Memorial Hospital, rehabilitasyon ng mga kalsada at pagpapagawa ng kauna-unahang Drug Rehabilitation Center na patatakbuhin ng Provincial Government.
Kabilang din sa kanyang ibinalita sa mga dumalo ay ang pagtugon ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng kanyang panunungkulan sa dagok na kinahaharap ng mga maliliit na magsasaka na nalugi dahil sa pagbagsak ng presyo ng palay sa pamamagitan ng Provincial Food Council.
Sinabi rin nito na patuloy pa rin ang Scholarship Program ng Provincial Government para sa mga mag-aaral ng mga Colleges at Universities sa probinsya upang makatulong sa pagkamit ng kanilang mga pangarap.
Sa kasalukuyan ay pinagaganda rin ng Provincial Government of Nueva Ecija ang ‘Freedom Park Cabanatuan City at layunin din na makapag-lagay ng libreng ‘Wifi’ para sa mga estudyante upang magamit nila sa pagreresearch ng kanilang mga aralin.
Matapos ang paglalahad ni Governor Umali ng kaniyang mga proyekto ay nagkaroon ng Open Forum para sa mga student leaders.
Isa ang mag-aaral ng NEUST mula sa College of Education na si Gideon Dela Torre na nagtanong kung ano ang gagawin ng mga kapulisan sakaling may mahuli na may ginagawang kababalaghan ang mga tao sa Freedom Park Cabanatuan sa kabila ng unti-unting pagkukumpuni nito
Ayon naman sa sagot ni Governor Umali, magkakaroon ng mga bantay at magpapakabit ng CCTV sa naturang lugar upang maiwasan at hindi na maulit ang mga pangit na pangyayari sa lugar.
Kabilang sa mga nagsidalo ay ang mga mag-aaral mula sa Holy Cross Colleges, Eduardo Joson Memorial Colleges, Midway Maritime Institution, MV Gallego Colleges at ang NEUST School Leaders kabilang rin ang mga Hepe mula sa ibat-ibang departamento ng Pamahalaang Panlalawigan.

ng kaniyang 100 Days in Office
Bilang pagtatapos ng programa ay tinanggap ni Governor Aurelio Umali ang Plaque Of Recognition ng kaniyang 100 Days in Office. Ulat ni Myrrh Guevarra