Panibagong atraksyon na makatutulong sa turismo sa lalawigan ang pinasinayaan  kahapon May 1, 2019 na matatagpuan sa Brgy. Nazareth, Gen. Tiñio, Nueva Ecija

Bukas na sa mga turista ang 260 hectares PMP Man-Made “Paradise” Farm Resort na tinaguriang ‘Pink in the Greenery’ at Biggest Farm Resort sa Nueva Ecija.

Eksaktong alas syete ng umaga  nang magkaroon ng maikling programa para sa Grand Opening ng naturang resort na sinimulan sa Motorcade o parada ng mga nagagandahang Muses, Usherettes, mga empleyado ng resort at sina Mickey and Minnie Mouse naghatid ng saya sa umaga.

Pinangunahan naman ni Major Pablo Milagroso Pagtalunan, Acting Mayor Melvin Pacual at ng Department of Tourism ang Ribbon Cutting.

Kasabay ng Grand Launch ay ang Blessing ni Mary Lady of Destiny Church mula sa Chapel hanggang sa iba pang mga pasilidad.

Sa panayam kay Major Pagtalunan, may-ari ng naturang resort, dating remote area ang naturang lugar, ngunit dahil parte ito ng kaniyang kabataan ay nais niyang buhayin ang munting paraiso na kaniyang kinalakihan sa pamamagitan ng pagaalaga ng mga hayop at pagtatanim ng punong kahoy.

Ipinagmalaki naman nito na ang PMP Man Made Resort ay kilala bilang Farm Tourism site bilang may pinakamalaking naitalang ektarya sa Pilipinas na nakapagtanim ng libu-libong punong kahoy. Base aniya sa batas 10816 na isinusulong ng gobyerno na Farm Tourism.

Halos dalawang buwan naman ang kanilang naging paghahanda upang maisakatuparan ang naturang okasyon  ayon kay Jefferson Portugana, Chief Operations Officer ng resort.

Kaugnay nito nakiisa rin sina Gen. Tiñio Mayoralty Candidate Mayvelyn Bote at at Nueva Ecija Tourism Head na si Atty. Jose Marie San Pedro sa naturang okasyon.

Ang PMP Man-Made ‘Paradise’ Resort ay hango sa Pangalan ng Presidente at may ari ng resort na si Major Pablo Milagroso Pagtalunan na nabigyan ng sertipiko ng DENR na Kaisa-isang Pilipino na nakapag ambag sa pamamagitan ng pagtatanim ng halos libu- libong mga punong kahoy sa bansa.

Sa ngayon ay nasa 260 ektarya na ang resort na pinamumugaran ng iba’t ibang uri ng hayop katulad ng baka, kabayo, kalabaw, pagong, tupa, kambing, gansa, at iba pa.

Sa halagang dalawang daan na entrance fee ay maaring maranasan din ang ibang indoor at outdoor activities katulad ng Horse Backriding, Zip Line, Hanging Bridge and Sheep Herding, Biking, Carabao Cart Ride, Traditional Kalesa.

Mayroon ding Hotel Facilities, Function Room, Villas, Cottages, 17 Swimming Pools, Rides, Adventures & Recreational Activities.

Layunin nito na makahikayat pa ng iba pang turista hindi lang sa lokal  bagkus mga banyaga upang makapagbigay ng trabaho lokal partikular sa mamamayan ng Gen. Tiñio para palakasin ang industriya ng turismo sa lalawigan.

Bukas naman ng Lunes hanggang Linggo mula alas otso ng umaga hanggang alas dyis ng gabi ang resort na may Facebook Page na PMP Man Made Paradise Farm Resort.-Ulat ni GETZ RUFO ALVARAN