Nagtanim ng dalawang daang puno ang grupo ng Peace Riders Club Philippines sa Barangay Pinamalisan, Gabaldon noong August 25, 2019.

Iba’t – ibang uri ng fruit berries ang itinanim ng miyembro ng PRCP katulad ng puno ng Santol, Mangga, Guyabano at Sampaloc na inaasahang magbubunga pagkatapos ng tatlo hanggang limang taon.

Napagkasunduan sa Memorandum of Agreement ng Department of Environment and National Resources at PRCP na taun – taon na ang pagtatanim ng grupo sa barangay Pinamalisan.

Ayon sa President ng Nueva Ecija Chapter Peace Riders Club Philippines na si Sandy Sebastian, binigyan ng DENR ang kanilang grupo ng lupain sa naturang barangay kung saan ito ay pangangalagaan at tataniman nila ng mga puno upang maiwasan ang pagbaha at pagguho ng bundok.

Saad pa ni Sebastian, halos apat na taon nang nagsasagawa ng tree planting ang kanilang grupo sa probinsya.

Layunin ng isinagawang aktibidad ng grupo na maisulong ang kamalayan at pagiging responsable sa kapaligiran ng mga residente at tulungan na pagyamanin at pagandahin ang kabundukan sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Bukod sa tree planting nagsasagawa din ang grupo ng outreach program at charity mission sa iba’t – ibang sulok ng Pilipinas.

Habang mula pa sa Bicol, Bataan, Pampanga, Bulacan,Pasay, Caloocan, Commonwealth at Nueva Ecija ang pumunta at nakiisa sa layunin ng nasabing grupo. – Ulat ni Joice Vigilia/ Shane Tolentino