
Dalawa lamang sina Nanay Resurreccion Albaotuayon at Tatay Nicodemus De Leon sa halos dalawang libong katao na dumalo at namanata sa Gabalding 2019 noong Biyernes Santo April 19, 2019.
Ayon kay Nanay Resurrecion Albaotuayon, Pangulo sa lupon ng pagsamba at halos 19 taon naglilingkod sa Parokya sa Gabaldon,habang tumatagal ay parami ng parami ang namamanata sa Gabalding kumpara sa mga nagdaang taon.
Dagdag pa nito,kaya masidhi ang kaniyang pamamanata dahil makailang beses na siyang pinagbigyan ng Panginoon sa kaniyang mga kahilingan para sa kaniyang anim na mga anak na ngayon ay mga nakapagtapos at may mga matatag ng trabaho.
Kuwento naman ni Tatay Nicodemus De Leon,isang karpintero, hindi lang sa pagsama sa prusisyon naipapakita ang tunay na kahulugan ng pamamanata, ang pag-abot ng konting halaga aniya sa simbahan ay wala pa kumpara sa pagkakaloob sa kanila ng Poong Maykapal ng matiwasay at payapang buhay kahit isang maralita.

Kabilang sa mga nagsakripisyo ay ang mga kilalang personalidad na sina Darrel ‘Manong DM’ Morales, Kapitan Suka Garcia at Vice Mayor Anthony Umali na sampung taon ng namamanata mula 2010 hanggang 2019.

Balewalang sinuong ni VM Umali ang matinding tirik ng araw simula unang istasyon hanggang sa burol.
Ayon pa sa kaniya katiting lang aniya ang naranasang hirap kumpara sa pagpasan at pagpapako ni HesuKristo para tubusin ang sangkatauhan sa mga kasalanan.

Ang Gabalding ay ang pagsasanib ng dalawang parokya ng Gabaldon dito sa Nueva Ecija at parokya ng Dingalan sa Aurora kaya tinawag na ‘Gabalding’.

Ito na ang ika-41 na taong paggunita ng kasaysayan ng Gabalding na hanggang ngayon ay patuloy na ipinagdiriwang at ipinamana sa mga kabataan ang malalim na pagsunod sa Daan ng Krus ng Panginoong HesuKristo.

Base sa kasaysayan ng Gabalding na isinulat nina Fr. Jun Gregorio at Fr. Manny Leyran, noong mga huling taon ng dekada sitenta na wala pang sariling pari ang Dingalan ang Kura Paroko noon ng Gabaldon na si Father Pepito “Pites” Bernardo. Taong 1978 nang isagawa ang kauna-unahang Gabalding Daang Krus ng mga miyembro at manggagawa ng Parokya ni San Pablo Apostol ng Gabaldon at San Patricio ng Dingalan na naglakad simula sa kani-kanilang bayan at nagtagpo sa bundok ng Pinamalisan kung saan pinagnilayan ang “Pitong Huling Wika” ng Panginoong Hesus.
Layunin nito na higit na mapalalim pa ang pananampalataya na maging mabunga at maging makabaluhan at matatag ang samahan ng ugnayan ng dalawang parokya ng Gabaldon at Dingalan. –Ulat ni GETZ RUFO ALVARAN