Pinakadakilang araw ng kaligtasan at tagumpay para sa mga kristiyano ang taunang pagsalubong para sa Pasko ng Pagkabuhay ayon kay Father Joel Cariaso.
Ipinagdiwang noong araw ng Linggo ng mga deboto ang Easter, o ang muling pagkabuhay ni Hesukristo sa Saint Nicholas of Tolentine Parish Cathedral sa Cabanatuan City.
Habang ipinapasok sa loob ng simbahan ang Mahal na birheng Maria, ang mga Anghel naman ang nagsilbing liwanag sa patuloy na pagdiriwang sa muling pagkabuhay ni Hesukristo na naghudyat ng papuri sa loob ng naturang Cathderal na sumisimbolo sa Muling Pagkabuhay ni Hesus.
Sumentro sa Homily ni Reverent Father Joel Cariaso, ang pinakadakilang araw kung saan ay ang Pasko ng pagkabuhay na tinaguriang araw ng kaligtasan at araw ng tagumpay ng mga Kristyano.
Naging tradisyon at kaugalian na rin ng mga Katoliko ang “Salubong” o ang pagkikitang muli ng Kristong Muling Nabuhay o Risen Christ at ng Mahal na Birhen na may itim na belo. Ang “Salubong” ay nagsisimula ng madaling araw o sa unang pagsikat ng araw sa umaga.
Sa kalagitnaan ng pagsalubong ni Hesukristo at ng Mahal na Birheng Maria sa harap ng Cabanatuan City Cathedral, inabangan ng mga deboto ang pagtatanggal ng itim na belo kay Birheng Maria na simbolo ng pagtatapos sa kanyang pagluluksa sa pagkamatay ng Diyos.
Sa nasabing simbahan ay masayang kumanta ang mga bata na nagmistulang mga Anghel para salubungin si Hesus sa kanilang masiglang awit na papuri.
Ang salitang Easter ay hango sa German word na “Eastre” na ang kahulugan ay “feast of life” o pista ng buhay.