
Maging handa at alerto sa mga nagaganap na paglindol, ito ang paalala ni Science Research Analyst Wilmer Legazpi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na nakabase sa Palayan City, bunsod ng sunod sunod na pagyanig ng lupa sa bansa nitong mga nagdaang araw.

Mahalaga aniya na dumadalo sa mga seminars, trainings at maging sa mga drills ang isang indibidwal para malaman kung ano ang dapat gawin bago, habang at pagkatapos ng lindol.

Dagdag pa nito, wala naman naitalang pinsala at casualties sa lalawigan dahil nasa intensity 3 lang ang Nueva Ecija.
Posible naman aniyang makararanas ng mga aftershocks ang isang lugar hangga’t hindi pa nagsasara ang fault line na dinaanan ng lindol. Bibilang pa aniya ng maraming taon para maulit ang lindol na nangyari na may kaparehong lakas, lugar, magnitude para mahigitan ang pwersa sa fault line ng naunang lindol.
Ipinaliwanag pa nito na ang lindol ay hindi napi-predict kung kailan, saan, anong oras tatama sa bansa. Wala pa aniyang siyentipikong instrumento o method at modernong bansa na kayang mag-detect sa paparating na lindol.

Ang Nueva Ecija ay may active fault line na bahagi ng Philippine Fault Zone na tinaguriang ‘Mother of all fault line’ na magmumula sa Davao Gulf hanggang Northern Luzon sa Ilocos.
Ang Nueva Ecija ay nagkaroon ng segment mula sa Philippine Fault Zone na kung tawagin ay Digdig Fault Line na mula sa Caranglan , San Jose, Pantabangan, Laur, Bongabon, Gabaldon, Dingalan at Rizal na naging sentro rin ng lindol noong July 16, 1990.

Maaalalang nagkaroon ng pagyanig noong Lunes April 22, 2019 na nagtala ng 6.1 magnitude na lindol sa ganap na alas singko onse ng hapon na sumentro sa Castillejos, Zambales habang malala ang tama sa Pampanga.
Nitong Martes naman ay niyanig ng magnitude 6.5 na lindol ang ilang bahagi ng Visayas na nakasentro sa San Julian, Eastern Zambales.
Miyerkules naman nakapagtala ng mahinang lindol sa Davao Oriental at Davao Occidental.
Posible namang tatagal pa ng dalawa hanggang tatlong linggo ang mga aftershocks na mararanasan sa bansa.-Ulat ni GETZ RUFO ALVARAN