Maaga naming nadatnan sa Physical Therapy Department si nanay Nely Feliciano limang taong gulang at residente ng Aduas Sur, na kasalukuyang nagpapatherapy dahil sa sakit na stroke.

Kwento ni nanay, tatlong beses sa loob ng isang linggo  siyang nagpapacheck-up simula nung ma-stroke taong 2016.

Malaking bagay aniya na mayroong libreng therapy para sa kanila sapagkat voluntary donation na lamang ang kanilang ibinibigay kapalit sa serbisyong kanilang natatamasa.

Paulit ulit din na sambit ni nanay Nely na sana ay malibre din sila sa gamot gayong hirap sila sa buhay. Nagtatricycle lang aniya ang kanyang panganay na anak para maitawid lamang ang kanilang pang araw araw na buhay dagdag pa ang gamot na kanyang kailangan.

Ayon naman kay Manily Vallarta Registered Physical Therapist ng ELJ malaking bagay din aniya ang voluntary donation, na kadalasang ibinibigay ng pasyente sapagkat nagagamit din nila ito pambili ng mga materyales sa loob ng pasilidad.

Dagdag pa nito, ang mga equipment na kanilang ginagamit ay pag-aari mismo ng mga Therapist, kung kaya’t sinamantala na nito ang pagkakataon upang maipahatid sa Provincial Government ang mga kinakailangang kagamitan kagaya ng electrical stimulator at ultra sound para sa mas maayos at magandang serbisyo sa mga pasyente.

Dumadaan din aniya sa tamang proseso ang mga nag-aavail ng serbisyo na karaniwan sa mga pasyente ay hinahanapan muna nila ng referral mula sa kanilang doktor saka nila sasamahan para sa therapy process.

Layunin nito na matulungan ang mga mamamayan o mga pasyenteng may sakit na manumbalik ang dati nilang kakayahan upang lalo pang mas maging kapaki-pakinabang sa lipunan.

Samantala, sa loob ng isang araw ay umaabot ng labing dalawa hanggang labing-limang pasyente ang tumutungo sa naturang hospital para sa therapy.

Bukas ito mula lunes hanggang byernes, alas otso ng umaga hanggang alas tres ng hapon.

Para sa karagdagang detalye magsadya lamang sa ELJ para makapag-avail ng libreng serbisyo.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran.