Mahigit isang daan at labing walong estudyante ang nagsipagtapos sa kauna-unahang Commencement Exercises Summer Tutorial Class ng Ako ang Saklay na may temang “Hindi hadlang ang kahirapan sa pag-abot ng mga pangarap.” Na ginanap sa bayan ng San Antonio, Nueva Ecija.

Ito ay dinaluhan nina Vice Mayor Julie Maxwell, DepED Supervisor Ester Ramos at kapulisan mula sa PNP.

Bakas sa mukha ng mga bata at magulang ang saya habang tinatanggap ang medalya at certificate ng pagtatapos.

Ayon kay Fr. Arnold Abelardo Founder ng Ako ang Saklay, layunin ng programa na maging makabuluhan ang oras ng mga bata sa nagdaang bakasyon.

Aniya, ito ang pinakamagandang pagkakataon upang maturuan ang mga bata hindi lamang upang lalong mahasa sa pagsusulat at pagbabasa, kundi maging sa tamang pag-uugali at pagkilos.

Sa pamamagitan ng bolunterismong pagtuturo ng mga guro mula sa Department of Education at mga iskolar ng Saklay ay naging matagumpay ang Summer Class ng mga bata mula Kinder hanggang Grade 7.

Kaya’t taos pusong pasasalamat ang naging tugon ng mga estudyante at magulang sa Saklay.

Ang Ako ang Saklay ay isang non-profit organization na nagbibigay ng libreng edukasyon, livelihood at medikal sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng sama-samang pagsisikap ng iba’t-ibang indibidwal, ngo’s, ahensiya ng gobyerno, local government units at iba pang sektor.

Kamakailan nga ay inaprubahan na ang Saklay bilang center for learning and livelihood ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa paparating na pasukan ay magtutuloy-tuloy ang tutorial class ng Saklay tuwing araw ng sabado at linggo.

Bukod dito, nais din ni Fr. Abelardo na mag bukas ng Alternative Learning System sa mga magulang na hindi nakapagtapos ng pag-aaral sa sekondarya. –Ulat ni Danira Gabriel