Nagsagawa ng inspeksyon ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office Nueva Ecija sa buong lalawigan matapos ang naranasang pagyanig noong lunes.

Agarang nagsagawa ng inspeksyon kinabukasan ang Provincial Disaster Risk Reduction Office – Nueva Ecija o  (PDRRMO – NE), katuwang  ang Provincial Engineering Office, DPWH 1 and 2, DepED at Local Government Unit (LGU’s) matapos  maranasan ang 6.1 magnitude na Lindol  na tumama sa Castillejos, Zambales noong April 22, 2019.

Naitala naman sa Cabanatuan City at Gapan City ang Instrumental Intensity IV o magnitude 4 .0.

Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction Officer Michael Calma, patuloy na umiikot sa buong lalawigan ang  mga tanggapan at ahensiya upang inspeksyonin at siguraduhin na ligtas gamitin ang mga gusali.

Ang pag i-inspeksyon ay inisyatiba ni Gov Czarina “Cherry” Umali, kinansela ng Ina ng Lalawigan ang pasok sa lahat ng pribado at pampublikong eskwelahan at maging sa mga pribado at gobyernong tanggapan sa buong lalawigan noong April 23 upang  bigyang pagkakataon ang mga kinauukulan na masuri ang kanilang mga gusali at matiyak na wala itong pinsala sanhi ng lindol at nananatili itong ligtas na pasukan ng mga empleyado at mag – aaral.

Samantala, nagsagawa rin ng pagsusuri ang National irrigation Administration – Upper Pampanga River Integrated Irrigation System o NIA – UPRIIS sa limang Dam sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Kabilang na dito ay ang Pantabangan at Masiway Dams, Canili Diayo Dams sa Alfonso Castañeda Nueva Vizcaya,  Rizal Dam, Peñaranda Dam at Atate Dam sa Palayan City.

Base sa NIA – UPRIIS, nanatiling maayos at wala umanong nakitang damage o crack sa mga ito.

Paalala ni Calma sa mga Novo Ecijano, laging maging handa at tunay na makiisa sa mga isinasagawang drill ng mga Local Disaster Risk Reduction and Management Office sa lalawigan. -Ulat ni Jovelyn Astrero/Joice Vigilia