Pumalo sa mahigit P239 million ang tinamong halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura sa lalawigan ng Nueva Ecija bunsod ng nagdaang Bagyong Nona.

Pinakamalaking bahagi ng pinsala ay naitala sa mga palayan na umabot sa P213 million. P16 million naman sa livestock at poultry, at mahigit sa P9-M sa vegetable and high value crops ang nawala dahil sa matinding buhos ng ulan na dala ni Nona.

Umabot na sa P92 million ang halaga ng nasirang imprastraktura sa probinsiya dahil sa bagyo.

Halos kalahati ng lalawigan ang nalubog sa baha at nawalan ng bahay at kabuhayan kabilang na ang mga lungsod ng Muñoz, Cabanatuan, Palayan at Gapan, maging ang mga bayan ng Aliaga, Licab, Quezon, Sto Domingo, Zaragoza, Llanera, Pantabangan, Rizal, Bongabon, Gabaldon, Gen. Natividad, Laur, Sta Rosa, Cabiao, Jaen, Peñaranda, San Antonio at San Leonardo.

Nasa apat na put walong libo naman na residente ang naapektuhan ng bagyo. Mahigit dalawang libo ang nanatili ng ilang araw sa evacuation center at limang daang indibidwal ang na rescue.

Habang isa ang naitalang patay dahil sa pagkalunod noong kasagsagan ng bagyo sa Brgy Pangatian, Cabanatuan City.

Nilinaw ni PDRRMC o Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council Head Benzel Parumog, na ang naranasang matinding baha ay dahil sa buhos ng ulan ng bagyong nona at hindi sa kumakalat na balita na nagpakawala o umapaw ang Pantabangan Dam.

Mula nang bumuhos ang ulan, agad na nagpaabot ng kabi-kabilang relief operations ang provincial government katuwang ang PDRRMO, AFP, PNP, BFP, PAMPANGA-CDRRMO, Phillippine Airforce at Team Doc Anthony Umali sa mga barangay na naapektuhan.

Dagdag pa ni Parumog, ang lahat ng daan ay maaari ng daanan sa anumang klase ng behikulo, maliban sa Palayan-Gen. Natividad road, Sta Rosa-Zaragoza road at San Leonardo-Gapan road. -Ulat ni Danira Gabriel