Matamis na pagkapanalo ang nakamit ni Mary Sweet Liberty Cruz sa pagkahalal bilang presidente ng SK o Sangguniang Kabataan Federation ng lalawigan ng Nueva Ecija sa ginanap na eleksyon noong June 8, 2018.
Malayo ang naging lamang ng pambato ng bayan ng Peñaranda kung saan sa tatlumpung bumoto na SK Chairman ay nakuha nito ang 21 puntos na nag resulta upang siya ang iluklok bilang pangulo ng pederasyon.
Ayon kay Cruz, edukasyon para sa mga kabataan ang kaniyang prayoridad sa ilalim ng kaniyang panunungkulan.
Bukod pa rito, ay hangad din niya ang pagkakaisa ng mga kabataang Novo Ecijano upang isang bisig na makatuwang tungo sa inaasam na patuloy na pag-unlad ng lalawigan.
Nanalo naman bilang Vice President si Paul John Arkhe Serrano ng bayan ng Guimba, Secretary si Ericka Clarisse Arenas ng Talavera, Treasurer si Kim Bernadeth Fronda ng Talugtug, Auditor si Ay-mand Kaylle Miranda ng Lungsod Agham ng Muñoz, P.R.O. si Sheila Jane Flores ng General Tinio at Sgt. at Arms si Herbert Gemry Tomas ng General Natividad.
Sa harap ni Atty. Edmund Abesamis, National President ng Liga ng mga Barangay, nanumpa ang pitong opisyal.
Payo ni Abesamis, malaking hamon ang kahaharapin ng mga lokal na opisyal ng kabataan bilang mga makabagong mukha ng SK kaya’t mahalaga aniya na mag-aral ukol sa mga batas na nakapaloob dito.
Katuwang naman sa pagsugpo sa iligal na droga ang nais ni DILG Provincial Director Renato Bernardino na isa sa gampanan ng SK officials.
Ang eleksyon ay pinangunahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa tulong ng COMmission on ELECtions (COMELEC), Nueva Ecija Provincial Police Office (NEPPO) at kinatawan ng Religious Group at Provincial Government. –Ulat ni Danira Gabriel