Pumalo sa 3,792 ang HIV/AIDS cases na naitala sa buong Region 3 simula noong 1984 hanggang buwan ng Mayo ng taong kasalukuyan, kung saan nanguna ang Lalawigan ng Bulacan na mayroong 1,363 cases.
Pumangalawa ang Lalawigan ng Pampanga na mayroong 1,133 cases at pangatlo ang Lalawigan ng Nueva Ecija na mayroong 427 cases.

Data credit to Department of Health
Sa 427 HIV/AIDS cases sa Nueva Ecija, pinakamarami dito ang mga lalaki na may bilang na 394 habang tatlumpu’t tatlo lamang ang mga babae.
Ayon kay Romeo Bonifacio Casares, AIDS, STI Prevention and Control Program Nurse, mas marami ang bilang ng mga lalaking may HIV/AIDS dahil karamihan sa mga ito ay engaged sa tinatawag na MSM o Male who have Sex with Males o ang pakikipagtalik sa kapwa lalaki.

Data credit to Department of Health
Sa datos, pinakamataas ang bilang ng HIV/AIDS cases ng mga homosexual o nakikipagtalik sa kaparehong kasarian na mayroong 170 kumpara sa mga bisexual o mga taong nakikipagtalik sa babae at lalaki na mayroong 151, habang ang heterosexual o pagtatalik sa pagitan lamang ng babae at lalaki ay mayroong 103.

Data credit to Department of Health
Pasok sa Top 5 Municipalities and Cities na may pinakamaraming kaso nito ang Cabanatuan City na mayroong 97 cases, Gapan City 30 cases, San Jose City 28 cases, Talavera 28 cases at Science City of Muñoz 23 cases.
Nasa edad kinse hanggang singkwenta pataas naman ang mga naitalang infected ng HIV/AIDS sa probinsya kung saan ang mga edad bente singko hanggang trenta’y kwatro ang may pinakamataas na bilang na apektado nito.

Data credit to Department of Health
Ang mga datos na ito ay iprinisenta at tinalakay sa HIV/AIDS Awareness Campaign na isinagawa sa New Capitol, Palayan City sa pangunguna ng Provincial Health Office bilang bahagi ng pagsalubong sa ika-121 Anibersaryo ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija, na naglalayong mabigyan ng tamang impormasyon ang publiko patungkol sa naturang sakit.
Ang HIV o Human Immunodefiency Virus ay nakukuha sa pamamagitan ng pakikipagtalik ng walang gamit na proteksyon; pagsalin ng infection mula sa nanay tungo sa anak habang nagbubuntis, pagkapanganak at sa pagpapasuso; at pagsalin ng kontaminadong dugo, organs, at ibang tissues sa mga sumusunod: Transfusion, transplant, paggamit ng hiringilya, medical utensils at iba pang piercing instruments.
Ang HIV ay panghabam-buhay na sakit, wala pa itong lunas ngunit mayroong gamot na maaaring inumin na makatutulong upang mapalakas ang resistensya ng katawan at upang hindi mabilis na kumalat o dumami ang virus sa katawan.
Kung ang HIV ay napabayaan maaari itong mauwi sa AIDS o Acquired Immunodefiency Syndrome kung saan wala ng kakayanan ang katawan na labanan ang mga sakit tulad ng Tuberculosis, Cancer at iba pa.
Sinabi ni Jhoana Marie Manansala na apat na likido lamang ng katawan ang nagtataglay ng HIV, ito ay ang dugo, semen o likido na nanggagaling sa lalaki, vaginal fluid o likido na nanggagaling sa babae at breastmilk, paglilinaw nito na hindi kasama dito ang laway.`
Dagdag ni Manansala, isa sa dahilan kung bakit marami pa rin ang takot magpatest ay dahil sa diskriminasyon mula sa mga tao, kaya hiling nito na sana ay hindi maging hadlang ang maling kaalaman patungkol sa nasabing sakit upang tanggapin at tulungan ang mga biktima nito.—Ulat ni Jovelyn Astrero