Sa isinagawang Flag Raising Ceremony noong nakaraang Lunes, March 25, 2019, ay masayang ibinalita ng Ina ng Lalawigan, Governor Czarina “Cherry” Umali ang tungkol sa planong pagsasaayos ng luma at bagong kapitolyo ng Nueva Ecija.
Ayon sa gobernadora ay mahigpit niyang ibinilin na unahing kumpunihin ang mga tumutulo sa mga opisina para sa mas maayos at mas mabilis na pagseserbisyo sa mga Novo Ecijano.
Nagpasalamat din si Gov. Cherry sa pagsama at pagtulong ng mga ito na magawa at maisakatuparan ang iba’t ibang proyekto ng pamahalaang panlalawigan.
Hinikayat din niya ang mga kawani ng kapitolyo na patuloy na maglingkod ng tapat at may malasakit sa mga Novo Ecijano.
Pagkatapos ng Flag Raising Ceremony ay inanyayahan ng gobernadora ang mga empleyado na magsalu-salo sa inihandang munting umagahan para sa kanila.
Samantala sa iba pang balita, nagkaroon ng Courtesy Call noon ding Lunes, March 25, si Gov. Cherry sa ilang mga opisyal ng Motorcycle Riders Federation of Nueva Ecija para sa nalalapit na event nito ang “Motourista Nueva Ecija 2019” na gaganapin sa April 14, 2019.
Iikot ang mga riders na kasalai sa naturang event sa ilang mga tourist spots dito sa probinsya at inaasahang makikiisa rito sina 1st District Board Member Rommel Padilla kasama ang kanyang kapatid na si Robin at anak nito na si Daniel Padilla gayundin ang iba pang mga celebrity guest riders. –Ulat ni Jessa Dizon