Sa eksklusibong panayam ng Balitang Unang Sigaw sa kapatid ni Mary Jane Veloso na si Darling Veloso, iginiit nito na kay Pangulong Duterte lamang sila maniniwala at hindi sa mga negatibong balita na nagsilabasan na pumayag ang pangulo na bitayin si Mary Jane.
Malaki umano ang kanilang paniniwala na si Duterte lamang ang tanging makakatulong na maialis ang kanilang kapatid sa Death Row sa bansang Indonesia dahil sa kasong drug trafficking.
Ang naging pahayag na ito ng pamilya Veloso ay bunsod ng sinabi ng Pangulo na siya mismo ang makikipag-usap sa pamilya ni Mary Jane tungkol sa resulta ng pag-uusap nila ni President Joko Widodo ng Indonesia.
Matapos lumabas sa The Jakarta Post ang balitang pagbibigay umano ng green light o go signal ni Pangulong Duterte sa Indonesian Government na bitayin na si Mary Jane Veloso ay ‘tila pinagsakluban ng langit ang pamilya Veloso.
Kaya naman ng pabulaanan ito ng Malacañang ay nabuhayan sila ng pag-asa na tutulungan ng Pangulo si Mary Jane.
Ayon pa kay Darling, maging si Mary Jane ay naniniwala na si Pangulong Duterte na ang magiging pag-asa upang maialis ito sa Death Row.
Dagdag ni Darling, bagaman batid nila ang matinding kampanya ng Pangulo sa iligal na droga ay naiiba naman aniya ang kaso ng kapatid na si Mary Jane, binigyang diin nito na biktima lamang ang kapatid, na katulad ng maraming Pilipino ay naghanap ng trabaho sa ibang bansa upang maiahon sa hirap ang pamilya.
Tila pumapabor din daw sa pamilya Veloso ang magandang takbo ng pagdinig sa kasong isinampa nila laban sa itinuturong illegal recruiter ni Mary Jane na sina Cristina Sergio at Julius Lacanilao, sa Regional Trial Court Branch 37.
Sa mensahe ni Darling sa Pangulo, hiniling nito na sana ay makaharap na ito ng kanyang mga magulang upang mabigyan ng kalinawan ang kanilang mga agam-agam tungkol sa kaso ni Mary Jane.
Sa kasalukuyan ay nakikipag-ugnayan umano ang pamilya Veloso sa Malacañang katuwang ang Migrante dahil sa pag-asang maililigtas nito ang buhay ni Mary Jane mula sa nakaambang pagbitay dito.
Matatandaan na taong 2010 nang maaresto si Veloso sa Indonesia dahil sa maletang dala nito na natuklasang naglalaman ng heroin, pinatawan ito ng parusang bitay ng Indonesian Government, ngunit noong nakaraang taon dahil sa tindi ng panawagan ng pamilya, supporters ni Mary Jane, at ng Migrante ay binigyan siya ng temporary retrieve kaya hindi natuloy ang nakatakdang pagbitay sa kanya sa pamamagitan ng firing squad. -Ulat ni Jovelyn Astrero