Sa ginanap na pagtitipon sa KC Hall, Barangay Malasin, San Jose City, noong March 25, tinalakay ng grupong MASIPAG o Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura – Luzon, AMGL o Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon at Anak Pawis na hindi solusyon ang Rice Tariffication Law at Golden Rice sa nararamdamang krisis ngayon sa bigas ng mga magsasaka.

Sa mensahe ni Anak Pawis 2ND Nominee Rafael Mariano, kayang-kaya ng mga lokal na magsasaka na pakainin ang mamayang Pilipino mula sa sariling produksyon at hindi na kailangan pang mag-import ng bigas mula sa ibang bansa kagaya ng nakapaloob sa Rice Tariffication Law.

Base sa datos, siyam na pu’t apat na porsyento ay kinokonsumo kung saan ito nai-prodyus o nanggaling habang ang natitirang anim na porsyento ng produksyon ng bigas ay ini-export sa Pandaigdigang Pamilihan o World Market.
Aniya, lumalabas lamang na hindi solusyon ang Rice Tariffication Law sa nararamdamang problema ngayon sa bigas. Paano pa kung hindi pumayag na mag-export ng bigas ang mga bansang Thailand, Vietman at China ay magugutom ang sambayanang Pilipino.
Ayon naman kay Alfie Pulumbarit, Officer in Charge ng MASIPAG – Luzon, iginiit nito na hindi rin ang GMO o Genetically Modified Organisms na Golden Rice ang solusyon sa kakulangan sa Vitamin A at Beta Carotene ng mga batang Pilipino.

Dagdag pa nito, hindi sapat na dahilan ang hindi pagkain ng mga bata ng gulay upang maisulong ang Golden Rice, ang dapat na gawin ay humanap ng ibang paraan upang ma-engganyo ang mga bata na kumain ng gulay at iba pang mga masusutansiyang pagkain.
Sentimyento naman ng isang miyembro ng AMGL o Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon na ang kaniyang kinikita sa ilalim ng batas na Rice Tariffication Law ay kakaunti na lamang at hindi sasapat para sa pangangailangan ng kaniyang pamilya.
Kung dati ay nakakakuha siya ng tatlumpung kaban sa isang ektaryang bukid, ngayon ay sampung kaban na lamang ang kaniyang nagiging kita. Kulang na kulang ito upang muli siyang makapagtanim sa susunod na anihan.
Binigyang diin nito, na hindi makatutulong ang sampung Bilyong piso na malilikom na taripa, kung wala ng bukid na gagawin ang mga magsasaka.

Aniya, dahil sa Rice Tariffication Law ay tuluyan ng maghihirap at mawawalan ng pag-asa ang mga manggagawang bukid sa bansa.
Bukod sa grupo ng MASIPAG, AMGL at Anak Pawis Party-list, dumalo rin sa naturang pagtitipon ang mga magsasaka mula sa nasabing bayan at ilang mga guro mula sa CLSU o Central Luzon State University upang makiisa sa usapin tungkol sa krisis sa bigas. Ulat ni Danira Gabriel/Lerie Sabularce